‘DI NAKAGUGULAT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

PALAGAY ko, walang Pinoy na nagulat nang talunin ng Metro Manila ang 386 siyudad sa buong mundo sa pinakamalalang trapik dahil araw-araw nating nararanasan ang problemang ito na tila wala nang pag-asa. Pang 387 tayo eh.

Maging ang transportation officials natin kasama na ang mga nakaraang appointees sa Department of Transportation (DOTr), ay hindi pumalag sa datos ng TomTom International BV.

Nahihiya kaya sila? Sabagay karamihan naman sa mga opisyales natin ay kasing kapal na ng adobe ang mukha. Hindi na marunong mahiya pero ang masaklap, lumalabas na wala silang silbi.

Ang dami nang ginastos ang taxpayers para maresolba ng transport officials ang problema sa trapiko pero imbes na maresolba ay lumala pa at tayo na ang pinaka-worst sa mundo.

Noong 2022, 25 minutes at 30 seconds ang biyahe sa isang 10 kilometro pero noong nakaraang taon, naging 24 minutes at 50 seconds pa kaya natalo natin ang 386 na siyudad sa buong mundo. Nakahihiya.

Ang susunod na isyu riyan, ilipat na lang ang government offices sa labas ng Metro Manila tulad ng ginawa ng Indonesia para mabawasan ang sangkatutak na mga sasakyan sa lansangan at lalong nagkaroon sila ng dahilan para tuluyan nang huwag pabiyahehin ang traditional na mga pampasaherong jeep.

Pero ang tanong, bakit walang nangyari sa bilyon-bilyong budget na inilalaan kada taon para maresolba ang problema sa trapiko? Kailangan ba ng auditing at accounting para malaman natin kung saan napunta ang budget?

Nasaan na ‘yung ipinagmamalaking mga proyekto ng transport officials lalo na ‘yung mga dating nakaupo, para maresolba ang problemang ito na naglagay na naman sa atin sa kahihiyan sa international community?

Kung may maayos na transport system ang Metro Manila, malamang ay marami ang hindi bibili ng sariling sasakyan dahil mas matipid at convenient ang sumakay kaysa magmaneho ng sariling auto pero parang drawing lang lahat eh.

Wala ring political will ang gobyerno para disiplinahin ang mga motoristang pasaway na nagpapalala rin sa problema sa trapiko kaya namimihasa ang mga tao at halos lahat ay walang kortesiya sa lansangan.

Kung magkakaroon ng ibang survey hinggil sa disiplina sa mga kalsada, hindi na ako magugulat kung mangunguna pa rin ang mga Pilipinas na hindi disiplinadong drivers, hindi lang sa apat na gulong kundi sa motorcycle riders.

Tanging ‘yung mga motoristang sangkot sa road rage ang dinisiplina pero ‘yung mga nakaaway nila, walang parusa? ‘Yung riders na pagewang-gewang magmaneho ay hinahayaan lang? Wala kasing political will eh.

75

Related posts

Leave a Comment