GOV’T OFFICIALS NA PASAWAY, RESIGN!

KAYONG mga nasa gobyerno na ang pakay lang ay kumuha ng pwesto para pagkaperahan ang opisina na inyong pinapasukan, ngayon pa lang ay magsabay-sabay na kayong magsipag-resign.

Sundan n’yo agad si Department of Agriculture ­Undersecretary ­Leocadio Sebastian na nasa likod ng kontrobersiya sa planong ­pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal.

Si Sebastian ay napilitang magbitiw sa kanyang pwesto matapos na matuklasan na siya ang pumirma sa resolusyon na naglalayong mag-importa ng 300,000 metric tons ng asukal ang Sugar Regulatory Administration (SRA).

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles nitong nakaraang Biyernes, inaprubahan ng agriculture official ang import order ng asukal nang walang pahintulot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang tumatayong kalihim ng DA.

Kung pagbabasehan natin ang ginawang resolusyon sa importasyon ng asukal ni Sebastian na walang pahintulot ni PBBM na kanyang direktang boss sa agriculture department, ay lumalabas na wala siyang respeto rito.

Sabi tuloy ng ating mga tagasubaybay, magkano raw ba ang kikitain ni Usec. Sebastian sa importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal? Bakit ganun na lang siya kapursigido na pumirma ng resolusyon ng ­importasyon?

Pinalalabas nila na kaya kailangan mag-import ng asukal mula sa ibang bansa dahil kakapusin tayo nito sa susunod na mga buwan.
At baka abutin daw ng P100 ang kada kilo nito.

Galing ng gimik nila, mga buwisit! Bistado na kayo!

Sa ganang akin, hindi dapat matapos sa pagbibitiw ni Sebastian ang isyu ng importasyon ng asukal.

Kailangan nang mabuwag ang mga nasa likod ng kaliwa’t kanang importasyon ng agri-products na ‘yan.

Ngayon may lumalabas na isyu na ang sinasabing shortage ng iba’t ibang agri-products ay ginagawa lamang para magkaroon ng rason para sa importasyon.

Habang nagpapayaman ang mga nasa likod ng importasyon ng agri-products, unti-unti namang pinapatay nila ang mga kawawang magsasaka.

Kaya halos wala nang gustong maging magsasaka sa ating mga kababayan dahil habang tumatagal sila sa pagsasaka ay lalo silang naghihirap.Wala kayong mga awa!

Kaya kayong mga nakapwesto sa gobyerno ngayon na plano ring manamantala sa kaban ng bayan, ay mahiya naman kayo kay PBBM.

Kawawa naman si PBBM na harap-harapan n’yong niloloko, habang nagsisikap siyang ayusin ang napakaraming suliranin dahil sa problemang inabot ng bansa mula sa pagputok ng Taal Volcano, ­kalamidad (lindol, bagyo) at COVID-19 pandemic.

Imbes na tulungan n’yo siya sa bigat na kanyang dinadala ay ­dinadagdagan n’yo pa siya ng pasanin.

Sana tablan kayo ng kahihiyan, hindi puro pampersonal lang ang inyong mga iniisip.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@­yahoo.com at mag-text sa cell# 0977-751-1840.

104

Related posts

Leave a Comment