OFWs

FOR THE FLAG

Tinatayang nasa 10 milyon ang overseas Filipino workers (OFWs) sa buong daigdig, kasama na riyan ang mga undocumented, ibig sabihin 10% ng populasyon ng Pilipinas na pawang mga nangakalat at nalayo sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Hindi kukulangin sa P20 bilyon kada buwan ang remittance ng mga OFWs na malaki ang kontribusyon sa paggalaw ng ating pambansang ekonomiya, kapalit ang mga nangangawasak na mga pamilya, mga anak na nalululong sa barkada at droga, bumabagsak na moralidad at naliligaw na kaisipan ng mga bagong henerasyon.

Ganyan kalupit ang kasaysayan ng Pilipinas, dahil sa kagustuhang mabigyan ng laban sa buhay ang kani-kanilang pamilya sa gitna ng matinding kahirapan at kawalan ng masumpungang pag-asa sa bansa, isinusugal ang buhay at pamilya sa pagbabaka-sakali sa ibayong dagat.

Ang mga Filipino ang pinaka-cosmopolitan na nasyon sa buong daigdig. Nangakalat ang mga kapwa-Pinoy kahit sa Estados Unidos o Saudi Arabia man hanggang sa mga maliliit na isla sa Micronesia.

Walang parte ng daigdig na walang Filipinong naghahanapbuhay sa mga iyon dahil sa salat ang bansang sagana dapat. Sagana sa buhay ang mga lupain, kagubatan, kabundukan, karagatan at mga ilog ngunit pinakikinabangan lamang ng iilan, ng oligarkiya na patuloy na dumadaluhong sa kayamanan ng bansa at humahagupit sa mga aliping Filipino.

Ang mga mining company sa bansa ay hindi totoong nakakatulong sa mga komunidad na winawasak ang kapaligiran ng kanilang mga kemikal, dinamita at backhoe. Karamihan sa mamumuhunan ay pinanatiling kontrakwal ang mga empleyado kaya naimbento rin ang terminong “endo” na nangangahulugang “end of contract.” Walang kasiguruhan sa bansang siguradong tutubo at magbubunga ang mga pananim at mga puno, sa mga isla at karagatang sigurado ang angking kayamanang langis at mga mineral.

Walang masumpungang benepisyo at magandang serbisyo sa kabila ng trilyun-trilyong pisong pambansang taunang budget ng pamahalaan. Pinanatiling dukha ang Filipino ng oligarkiya na sumisimsim sa yaman ng mga lupain, kung saan ang batas at pagpapatupad ng mga ito ay nakakiling sa mga mayroong yaman at yumayapak sa mga mahihirap.

Kailangan ng mga Filipino ng isang rebolusyon sa pag-iisip at pag-unawa na ang bansa ay kanila at ang lahat ng yaman niyaon. Na ang Pilipinas ay mana nila mula sa kanilang mga ninuno. Na ang Pilipinas ay ang bukod-tanging bahagi nila sa daigdig. Na ang gobyerno ay kanila, na nilikha nila upang pagsilbihan sila, sa kanilang mga hangarin at mithiin. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

305

Related posts

Leave a Comment