ITO ANG TOTOO ni Vic V. VIZCOCHO, Jr.
PAULIT-ULIT na lang na kapag may matinding bagyo, malamang may pagbaha, at minsan ay “landslide” o pagguho ng lupa na naninira, hindi lang ng mga ari-arian kundi pati buhay ng mamamayan.
Ito Ang Totoo: Napag-aaralan at napaghahandaan ang posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga partikular na lugar na “vulnerable”, katunayan, naima-mapa pa ang mga ito gaya ng gawa ng ilang mga ahensya at sangay ng gobyerno.
Pero ganoon pa rin, kapag may matinding bagyo, kandarapa ang mga kinauukulan sa pagresponde sa mga residente at iba pang mga apektado.
Ito Ang Totoo: Maraming dahilan kung bakit alam nang mangyayari ay hindi pa rin mapigilang mangyari.
Isa ang pagtangging iwanan ang lugar na kinamulatan na may sari-sari ring kadahilanan. Bukod sa sentimyento, walang ibang mapupuntahang malapit sa pinagmumulan ng kabuhayan, mapatrabaho man o taniman.
May mga lokal na gobyerno na limitado naman ang pondo kaya hindi mabuo ang mga hakbang at imprastraktura kontra sa mga pagbaha, itanong niyo sa mga senador at kongresman.
Iyong iba naman, sadya lang matitigas ang ulo at kapag nariyan na ang sakuna at saka nagngangangawngaw ng ayuda.
Ito Ang Totoo: Kailangan talagang balansehin ng gobyerno ang pangangailangan, kaligtasan at kagustuhan ng mamamayan, at ito ay madaling sabihin pero mas mahirap gawin.
Siyempre, ayaw makasakit ng damdamin ang gobyerno at baka sa susunod na halalan ay pulutin ang nakaupo sa kangkungan, bagay na sinasamantala naman ng mga pasaway at sanay na gumamit na panabla ang mga halalan.
Ito Ang Totoo: Napakalaking pondo ang ginugugol ng gobyerno sa mga pansamantalang ayuda tuwing may sakuna, bukod pa ang mula sa pribadong sektor, na kung tutuusin ay malamang sapat-sapat na pandagdag sa pondo ng mga programa laban sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Ang kailangan ng bayan ay permanenteng solusyon sa problemang pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng matitinding bagyo, at sa haba ng karanasan na halos taon-taon na lang nangyayari, nalalaman naman ang pwedeng gawing hakbang.
Ang tanong, magagawa ba ang paghakbang nang walang masasagasaan o kahit sino ang masagasaan? Muli, mas madali itong sabihin kaysa gawin. Ito Ang Totoo!
461