POLISIYA KONTRA TERORISTA

BINASAG ni Communist Party of the ­Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) ­founding chairman Joma Sison ang kanyang katahimikan nang ihayag ang kahandaan nilang muling humarap at makipag-usap sa pamahalaan sa larangan ng kapayapaan.

Ani Sison, pirmi naman aniyang bukas ang kanilang kilusan sa panawagang tuldukan ang hidwaan sa mga administrasyong nagdaan.

Ang problema, iba na ang sitwasyon ngayon kumpara sa mga naturang panahon.

Bakit kamo? Noon kasi, pasok pa sila sa ­kategorya ng rebeldeng naninindigan sa iba’t ibang usaping panlipunan. Saklaw ng kanilang usapin ang pansamantalang tigil-putukan, daing ng ­mag­ kabilang panig, kasabay ng paglalatag ng kani-kanilang rekomendasyon at karampatang solu­syon.

Nagpasalin-salin na ang administrasyon sa nakalipas na 36 na taon. Ang bawat pangulo, mistulang nagoyo dahil hindi naman talaga sinsero ang mga nasa kabilang kampo. Ang resulta – kabi-kabilang opensibang sukdulang pahirapan ang masa ng mga rebelde sa panahong dapat sana’y tigil-putukan at negosasyon.

At dumating ang sukdulan. Tuluyang inayawan ng pamahalaan ang kanilang panlilinlang at idineklara pang mga terorista.

Malinaw ang polisiya ng lahat ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon – walang puwang ang negosasyon sa mga teroristang walang ginawa kundi mangikil, manggulo at lasunin ang isip ng mga tao.

Ilan na nga ba ang mga inosenteng Pilipino na idinamay nila sa karahasan? Hindi na mabilang.

Nasaan ang prinsipyo sa likod ng kanilang pangingikil? Asan ang ideolohiya sa likod ng mga diskarteng pera-pera tulad ng kidnap-for-ransom, extortion sa mga negosyante, droga sa mga kanayunan, pamamaslang ng mga kasama sa kilusan at marami pang iba?

Sa kabila ng kanyang pahayag, aminado naman si Sison na suntok sa buwan ang panawagang usaping pangkapayapaan sa pagitan nila at ng pamahalaan dahil sa umiiral na polisiya kontra-terorista.

Ang masaklap, mukhang ang grupo lang ni Joma ang naniniwalang posible pa ang usaping pangkapayapaan. Ang bagong administrasyon – deadma lang.

Kung tutuusin, maraming pagkakataon ang ibinigay ng pamahalaan sa CPP-NPA. Sa bawat pagkakataon, iba ang kanilang isinusulong. Hindi kapayapaan kundi ang sariling kapakanan.

77

Related posts

Leave a Comment