POTENSYAL NA MAKATUTULONG SA PAGPAPALAGO NG TURISMO SA BANSA

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

BUHAY na buhay na naman ang turismo sa bansa. Nang matapos ang pandemya, talaga namang naging matunog ang “revenge travel” at napakarami ang namamasyal kung saan-saan. Bumalik na rin ang kaliwa’t kanang seat sales ng mga airline, at ang tour packages na inaalok ay hindi lamang sa mga dayuhan kundi para rin sa mga lokal na turista.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), umabot na sa higit sa dalawang milyon ang international arrivals mula Enero hanggang Abril ngayong taon. Nasa 94 na porsyento nito ay mga dayuhang turista, at halos anim na porsyento naman ay overseas Filipino.

Sa kabuuan, mas mataas ito ng 15 porsyento kumpara sa datos na naitala noong parehong panahon noong nakaraang taon.

Nakikita ng Department of Tourism o DOT ang positibong epekto ng mga programa at inisyatiba na naglalayong pag-ibayuhin pa ang kontribusyon ng turismo sa ating ekonomiya.

Umaasa rin ang kagawaran na mas makatutulong pa ang mga proyektong naglalayong mapabuti at mapaganda ang imprastraktura sa bansa. Ngayong taon, target ng pamahalaan na umabot sa 7.7 milyon ang mga international visitor sa bansa, na halos katulad ng pre-pandemic record-breaking achievement nito noong 2019 na nagtapos na umabot sa halos 8.3 milyon.

Tiwala ang DOT na maipagpapatuloy ang mga plano para sa industriya na bukod sa pagdadala ng maraming turista, makatutulong din na makagawa pa ng maraming trabaho sa mga Pilipino.

Dahil sa kitang-kita ang epekto sa pagyabong ng ekonomiya ng bansa ang turismo, talagang dapat pagtuunan ito ng pansin at hindi pabayaan.

Kamakailan nga, hinikayat ni Senador Nancy Binay ang LGUs na itaas ang kalidad ng mga street at local food sa bansa para mapalakas ang turismo sa bansa.

Ayon kay Binay, palaging may banta sa mga nagbebenta ng street food dahil sa posibilidad na mapaalis, ma-demolish at ma-harass dahil itinuturing silang illegal vendors na walang wastong sanitation certification at business permit mula sa LGUs.

Isinusulong ng senadora na tulungan ang mga street food vendor na tukuyin ang mga vending at no-vending zones upang maging maayos din ang daloy ng mga tao at trapiko.

Baka nga kailangan talagang pagtuunan ng pansin ng LGUs ang mga nagtitinda ng street food para makapagsanay sa sanitation at safety practices, food preparation, handling at pagsisilbi ng pagkain upang maitaas ang kalidad ng street food experience ng mga lokal at mga turista sa bansa.

Magandang balita ito para sa mga mahilig sa mga weekend markets na makikita sa iba’t ibang siyudad sa bansa pero kung magkakaroon ng maayos na regulasyon para rito, makatutulong ito hindi lamang sa turismo kundi pati na rin sa kabuhayan ng mga street food vendor sa bansa.

Bukod pa diyan, kitang kita naman natin ang matagumpay na street food culture sa ibang bansa tulad ng Bangkok, Taipei, at Singapore. Talagang dinarayo sa mga lugar na ito ang napakaraming hawker centers at food streets na nagsisilbing representasyon ng lokal na kultura at culinary landscape.

Masarap ang street food sa bansa at layon talagang ilaban sa pandaigdigang merkado. Mayaman ang ating bansa sa mga kakaibang pagkain na mula sa iba’t ibang rehiyon na karapat-dapat kilalanin at i-promote pa.

Sa pamamagitan ng pagsuporta sa kultura ng street food, maaaring lumikha ang Pilipinas ng positibong imahe at karagdagang magandang karanasan sa mga bumibisita sa bansa.

59

Related posts

Leave a Comment