PRODUKTONG BINEBENTA SA ‘DALI’ DAPAT SURIIN NG DTI

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY nakarating na impormasyon sa PUNA na may mga produktong ibinebenta sa DALI Supermarket na kwestiyonable.

Kaya dapat kumilos at suriin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ulat na tila ginaya o kinopya ang ilang mga produkto na naka-display sa DALI.

Na-PUNA ng mga konsyumer na may ibinebentang mga produkto sa supermarket na ito na kapag tiningnan ng mabuti ay kapansin-pansin na tila’y iniba lang ang mga pangalan, samantala ang disenyo ng bote, kahon o lalagyan ay parehong-pareho sa ilang pinagkopyahang produkto nito.

Kinakailangang bigyan pansin ng gobyerno ang diumano’y pagbebenta ng ilang mapanlinlang na produkto at pati na rin ang maling pamamalakad ng DALI.

Bukod sa pangamba sa kalusugan ng mga konsyumer ay kailangan alamin din ng DTI kung may posibleng paglabag sa copyright o intellectual property ang ilang mga produktong ibinebenta sa mga sangay ng DALI.

Matatandaan, noong Pebrero 2021 at Hulyo 2021, nauna nang nagbigay ng babala ang Food and Drug Administration sa publiko na huwag bilhin at kainin ang DALI Foods Lemon Cake at DALI Soymilk, sa kadahilanan na ang nabanggit na mga produkto ay hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng nasabing sangay ng pamahalaan.

May ilang mamili na rin ang nagpahayag sa social media ng kanilang pagkadismaya sa produktong nabili nila sa DALI.

Ang isa pa nga’y sumubok bumili ng bigas, ngunit sinabing may amoy ito at mas masarap pa raw ang ibinibentang NFA rice sa palengke.

Maganda naman sana na dumarami ang mga pamilihan sa ating bansa dahil kasabay nito ang pagdami rin ng mga pagkakataon na makapagbigay ang mga ito ng iba’t ibang mga promo o diskwento sa mga mamimili upang lumiit ang kanilang gastos.

Ngunit huwag naman sana itong gawing rason para pagsamantalahan ang ilan nating kababayan sa pagbebenta ng diumano’y substandard na mga produkto sa kanilang mga tindahan.

Malaking tulong sana ito sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, marami sa mga Pilipino ang naghahanap ng mga pamilihan na kung saan mas makakamura at makatitipid sila.

Malaking tulong din ito sa ilang pisong maitatabi ng isang konsyumer sa tuwing mamimili ng kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan.

Ilan sa mga kababayan natin ay nagtitiyaga rin mag-ikot para lang makahanap ng mga pamilihan na mura ang mga paninda.

Ang ganitong mga konsyumer ang tila tinatarget ng mga bagong supermarket na gaya ng DALI.

Hindi porke’t mura ay agad-agad nating tatangkilikin, kailangan din maging mapanuri sa ating mga binibili lalo na kung ang mga ito’y ipakakain natin sa ating mga mahal sa buhay. Nakalulungkot kasing isipin na dahil lang sa konting matitipid ay maaring malagay sa alanganin ang ating buhay o kalusugan at maging ating mga mahal sa buhay.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

231

Related posts

Leave a Comment