SIMULA NA NG REVISIONISM?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI na mababasa ng mga mag-aaral sa Grade 6 ang “Diktaduryang Marcos” sa kanilang libro sa Araling Panlipunan sa halip, ito ay “Diktadura” na lamang.

Sa memo na may petsang Setyembre 6, 2023, planong palitan ng Department of Education ang “Diktadurang Marcos” ng “Diktadura” sa Grade 6 Araling Panlipunan curriculum ng bagong lunsad na Matatag curriculum.

Kumalap ng iba’t ibang reaksyon sa online ang malupit na hakbang ng ahensya. Ang paglilinis sa pangalan ng mga Marcos sa pamamagitan ng social media ay lumawig na hanggang eskwelahan.

Agad kinondena ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy ang plano ng DepEd na anila ay lantarang halimbawa ng disinformation.

Kasabay nito, nanawagan ang grupo sa kapwa nila educator na ibasura ang hakbang ng DepEd at hilingin ang transparency sa mga mahalagang bagay tulad ng curricular revisions.

Hinihingi rin nila ang pananagutan mula kay VP Sara Duterte, na walang patumangga sa red-tagging, at instrumento anila ng mga Marcos sa state-sponsored historical distortions.

Ang rebisyon umano ng DepEd ay malinaw na estratehiya ng administrasyon na ayusin ang madilim na kasaysayan ng pamilya Marcos. Ang mga tao, lalo ang mag-aaral, ay inililigaw sa pamamagitan ng pagmanipula sa tunay na kasaysayan.

Naging malinaw tuloy kung ano ang isa sa mga rason kung bakit nagkaroon ng tinawag ng Bayan na “biggest illegal pasaload’ o ang pagpondo ng Office of the President sa confidential at intelligence allocation ni Sara Duterte noong 2022.

Aba, kapalit ba ng P125 milyon na ginastos lang sa loob ng 19 araw ang paglilinis sa pangalan ng mga Marcos?

Kaya marami nang ahensiya ang haling sa CIF dahil puwedeng gamitin sa kahit saan nila gusto at abusuhin ang perang pinagpawisan ng mga tao.

Balik sa rebisyon, gagamitin na ang mga bata sa paghuhugas ng imahe ng diktador.

Bakit naman nagpapagamit ang ahensiya? Kailangan atang hindi na ito sagutin at tingnan na lamang kung sino ang namumuno, na kakatwa ang prayoridad sa sistema ng edukasyon.

‘To kasing karamihan sa mga mambabatas ay ayaw mapahiya ang kanilang mga amo kaya go lang nang go, yes lang nang yes kaya ang para sa interes ng publiko ay hindi na isinusulong sa halip inuurong. Baka paglipas ng ilang taon, ang diktadura ay ibang letra na – maging martir na.

Huwag naman sana.

172

Related posts

Leave a Comment