SINDIKATO SA PNP HUWAG TANTANAN

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI ang nagbabantay kung titirada na ba ulit na walang kinatatakutan ang mga sindikato sa Philippine National Police (PNP) ngayong hindi na pangulo si Rodrigo Duterte.

Pero palagay ko naman ay hindi hahayaan ni President Bongbong Marcos na muling mamayagpag ang mga sindikato sa PNP na isa sa mga tinarget ni Duterte sa kanyang war on drugs at peace and order campaign.

Medyo lumaylay o nagpa­lamig ang mga tiwaling pulis sa kanilang ilegal na gawain sa nakaraang anim na taon pero marami ang natatakot na baka tumirada na naman ang mga ito dahil matagal-tagal ding panahon silang nagutom.

Gusto kong linawin dito na hindi lahat ng mga pulis ay pasok sa sindikato. Kokonti lang siguro ang may criminal minded na imbes na magsilbi sa bayan ay sila pa ang dahilan ng kaguluhan, ng kawalan ng peace and order.

Pero ang kokonti na ‘yan ay sapat na para mawala ang tiwala ng mga tao sa PNP at pinagdududahan ang lahat ng pulis kahit malinis ang kanilang intensyon at gusto lang gampanan ang sinumpaan nilang tungkulin na magsilbi sa bayan at magkaroon ng peace and order sa bansa.

Tandaan natin na kamakailan lang ay mismong si PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang nagsabi na may mga pulis pa rin ang sangkot sa illegal drug trade at ayaw magbago kaya binalaan niya ang mga ito na hangga’t suot niya ang kanyang uniporme ay hahabulin niya ang mga ito hanggang hindi sila magbago.

“Yung mga iba dyan, na hanggang ngayon ay ayaw tumigil sa pag-proliferate ng illegal na droga. I would like to address this to the men in uniform of the [PNP]. Meron pa rin sa atin, ­mangilan-ngilan, I’m giving you stern ­warning, nakikiusap ako sa inyo, please put a stop to these illegal drugs menace,” banggit ni Danao noong Mayo.

Ibig sabihin meron pa ring hindi nadale si Digong na miyembro ng PNP na sangkot sa ilegal na droga kaya marami pa ring shabu ang nakukumpiska ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Noong nakaraang Disyembre, nagbabala rin si Digong na may nagtatangkang buhayin ang notoryus na Kuratong Baleleng na sangkot sa holdapan, gun running, illegal drugs at pagpatay.

“There are policemen in Zamboanga del Sur who seem to be reviving the gang… that controlled Ozamiz, Kuratong Baleleng,” banggit ni Digong sa isa sa kanyang public engagement.

Marami ring opisyales ng ­Misamis Occidental ang nababahala na baka buhayin ng mga tiwaling pulis ang Kuratong Baleleng dahil may mga nagsisigaang mga pulis daw sa ­probinsya at sa buong Region 10 at ipinagmamalaki na sila ay mga untouchable.

Ito ang dapat tutukan ng sino mang itatalaga ni PBBM na PNP chief dahil kung hindi ay baka ­muling mamayagpag ang grupong ito na unang itinatag laban sa mga komunista pero kalaunan ay naging sindikato at naging criminal.

Kailangan ding hubaran na rin ng maskara ang mga tinutukoy ni Danao na mga pulis na sangkot sa ilegal na droga dahil kung hindi ay baka bumalik ang mga adik sa lansangan at magkakaroon na naman ng takot ang mga tao na maglakad mag-isa sa mga lansangan.

77

Related posts

Leave a Comment