AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
KAMAKAILAN ay may dumulog sa AKO OFW na isang OFW na nasa Kuwait na itago na lamang natin sa pangalang “Cheng” na diumano ay minolestiya ng kanyang employer. Si Cheng ay nakarating sa bansang Kuwait sa pamamagitan ng Prince Global Manpower noong Enero 27, 2022.
Narito ang kanyang kumpletong sumbong na ating natanggap : “Ako po si “Cheng”, kasalukuyang nasa bansang Kuwait bilang domestic worker, ako po ay dumating dito noong January 27, 2022 at binalik sa agency noong July 18, 2022. Ako po ay humihingi ng tulong sa inyo upang makauwi dahil ako po ay kasalukuyang nandito sa accommodation ng agency. Isang buwan na po, ako po ay nag-refused to work sa kadahilanang ako po ay nagka-trauma sa ginagawa ng amo kong lalaki, hinawakan niya ang aking dede at pinipilit halikan, minomolestiya niya po ako, kulang din po ako sa pahinga at wala din pong sapat na kain kaya napagdesisyunan ko na lang pong mag-refused to work at sana po matulungan niyo ako dahil wala po kaming kakayanan upang makabili ng aking tiket pauwi. Maraming salamat Po.”
Ang sumbong na ito ni “Cheng” ay agad nating ipinarating sa ating One Repatriation Command Center (ORCC) head na si Yolanda Peñaranda at kay OWWA Welfare Officer Genevieve C. Aguilar . Naging napakabilis ng ginawang aksyon ng ating mga kinatawan sa OWWA dahilan kung bakit agad na nakauwi si “Cheng”.
Kahapon ay aking natanggap ang mensahe na ipinarating ni “Cheng” na kung saan ay labis-labis ang kanyang pasasalamat dahil mabilis siyang nakauwi sa Pilipinas. Sa mensahe na ipinadala sa akin ay sinabi nito na “Ako po si Cheng, nagpapasalamat po ako sa lahat na tumulong sakin na mapauwi. Hindi kayo nagdadalawang isip tumulong sa mga OFW na nahihirapan makauwi. Ako ngayon ay nandito na sa Pilipinas at taos-puso po akong nagpa- pasalamat sa OWWA at AKO OFW”.
Samantala, maraming mga OFW ang nagpapasabi ng kanilang labis na pasasalamat sa ating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) lalo na kay Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople dahil simula nang nanungkulan si Sec. Ople ay nadarama na ng ating mga OFW ang mabilis na pag-aksyon sa bawat sumbong at hinaing ng mga OFW at maging ng mga pamilya nito.
Lalo pang pinaigting ng bagong administrator ng OWWA na si Arnell Ignacio ang mabilis na pagbibigay ng serbisyo sa mga OFW na humihingi ng tulong sa pamamagitan ng kanilang inilabas na bagong helplines.
Sa nakaraang live stream ni Administrator Ignacio ay hinamon pa nga nito ang kanyang mga tagasubaybay na subukan na tawagan ang hotline numbers upang patunayan na mayroong mabilis na sasagot sa mga numerong ito.
Ang nasabing OWWA HELPLINES na maaaring tawagan ng sinumang nangangailangan ng mabilisang aksyon ng OWWA ay ang mga sumusunod : +63-9150795005, +63-9691697068,+63-9664739543. Maaari ring tumawag sa OWWA Hotline number na +632-1348.
