CMG BINANATAN NA NAMAN NG CUSTOMS AT DDCAP!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

NATAPOS na sa wakas ang auction sa tatlong containers na inabandona ng Kabayan Island Express Cargo, ang ibig sabihin ito ay mailalabas na sa Manila International Container Port (MICP) Compound, halos isang taon matapos na duma­ting ito sa bansa.

Personal na tumawag sa inyong lingkod ang presidente ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) na si Mr. Joel Longares upang magtanong kung ano ang nalalaman namin sa Kabayan Island. Dahil sa tagal nitong ­nakaimbak sa MICP compound, wala na raw makuhang background ukol sa mga ­container tulad ng kung kailan ito dumating at kung saan ito nanggaling.

Ang kagandahan lamang, ayon sa DDCAP president, ay mayroon naman daw manifesto ang mga container at nangako si Sir Joel na bibigyan tayo ng kopya upang mailagay naman sa aming website na patricktulfo.com para sa mga naghahanap ng kanilang mga ipinadala na idinaan sa naturang cargo forwarder.

Sa aming pinakabagong panayam sa DDCAP president, inulit nito ang problemang hatid ng mga kargamentong naabandona sa Bureau of Customs na hindi lamang ang mga OFW ang napeperwisyo bagkus pati ang BOC at ang kanyang grupo.

Ayon kay Mr. Longares, ang hakbangin na isinagawa ni MICP Port Collector Romeo Rosales na mailabas at mai-deliver ang mga laman ng containers ay kapuri-puri dahil dati raw ang abandonadong mga container ay napapabayaan at nakalilimutan na lamang.

Pero idiniin nito na hindi dapat magpatuloy ang gawain ng mga forwarders o consolidators na nakabase sa ibang bansa tulad halimbawa ng CMG na nakabase sa Dubai, UAE na ayon sa kanya ay patuloy ang ginagawang pagpapasok at pag-aabandona ng mga padala ng OFWs magpasa-hanggang ngayon.

Ayon kay Boss Joel, ang buong akala niya ay huli na ang pitong CMG cargo containers na inilabas at inihatid sa mga ­recepient nito kaya kanyang ikinagulat na mayroon na naman daw panibagong ipinarating na containers ang CMG sa MICP at inabandona na naman daw ang mga ito.

Ang isyu rin ng panibagong dating na CMG containers ang naging topic namin ni Bureau of Customs Director Michael Fermin, nang akin din itong makapanayam sa programa kamakailan lamang. Ayon kay Dir. Fermin, masusing tinatalakay ng BOC at ng Department of Migrant Workers (DMW) na pinangungunahan ni Sec. Susan “Tootss” Ople, ang mga hakbangin upang hindi na maipasok sa bansa ang mga padala ng mga “Forwarders” na gumagawa nito.

Inulit din ng Director na kanila nang inaayos ang paglalagay sa “blacklist” ng CMG upang hindi na ito makapagnegosyo pa sa bansa at kaagapay na ang Department of Trade Industry (DTI) upang makansela ang business name nito.

177

Related posts

Leave a Comment