RAPIDO ni PATRICK TULFO
NANGAKO si Sen. Jayvee Ejercito, ang chairman ng Senate Finance Committee, na bubusisiin ng Senado ang ipinasang P7.2 Trilyong National Budget ng KAMARA.
Hawak na ngayon ng Senado ang pagbusisi sa inaprubahang pondo ng Kongreso kung saan maraming malalaking proyekto at ahensya ang tinapyasan ng pondo habang may mga programang hindi naman kinakailangan ng malaking pondo katulad ng TUPAD, na umano’y pinondohan ng P11.3B budget.
Hindi sa tutol tayo sa pagtulong ng gobyerno sa mga nasa laylayan ng lipunan sa pamamagitan ng TUPAD. Pero ang programang ito ay nagagamit lamang ng karamihang nakaupo sa pwesto sa lokal at barangay upang mabigyan ang mga malalapit sa kanila o ang sinasabi nating iilang malapit sa kusina.
Ayon sa ating obserbasyon at sa ilang mga nakakausap, hindi naman lahat ay nabibigyan ng tulong mula sa TUPAD at tanging ang mga tagasuporta o malalapit lamang sa tagalista ang nabibigyan.
Sa aming lugar sa Mandaluyong, madalas kong nakikita ang miyembro ng TUPAD na mga nakahiga lamang o nakaupo matapos nilang magkuhanan ng picture na may hawak na walis o kunwari’y nagwawalis. Ito ay dahil sa 5:30 pa lang ng umaga ay nagwawalis na ang street sweepers sa aming lugar kaya’t wala nang wawalisin pa ang mga tagawalis mula sa TUPAD na dumarating ng pasado alas-8 ng umaga. Tawag tuloy ng aming mga kapitbahay sa mga ito ay TUMAD, hindi TUPAD. Tinuruan din kasi natin ang ating mga kababayan na iasa sa gobyerno ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng katiting na trabaho, kung saan sumusuweldo ang mga ito ng tig-P11,325.00 sa Metro Manila, sa mga probinsya ay nasa P7,000-P8,000 kada kinsenas.
Mas maraming programa ang mas dapat paglagyan ng pondo, tulad ng sa PHILHEALTH, DOH lalo na ang Restoring Foreign-Assisted Projects.
Kinuwestyon ni Sen. JV ang pagtapyas ng halos P130B sa Foreign Assisted Programs kung saan sinabi niyang hindi maaaring ma-delay ang pagbayad sa mga utang para sa mga proyekto tulad ng North-South Commuter Railway System at Metro Manila Subway Station. Maaantala umano ang pagtatapos sa mga proyekto kung babawasan ang pondo para rito.
Napaulat din na si Cong. Sandro Marcos ay may malaking insertion sa 2027 National Budget. Hindi naman masama ang mga insertion basta malinaw lamang kung saan ito nakalaan o gagamitin.
Dapat ay magbantay rin ang taumbayan sa kahihinatnan ng pagpasa ng pondong ito. Sa ganitong paraan maiiwasan ang pagkakabulsa ng limpak-limpak na pondo ng bayan ng iilang swapang na mga politiko.
68 