IGINIIT ni Senador Jinggoy Estrada ang pangangailangang imbestigahan ng Senado ang patuloy na pagpatay sa mga environmental defenders sa bansa.
Inihain ng kampo ni Estrada ang Senate Resolution No. 697 kasunod ng 2026 Global Witness Report na nagsasaad na pinakamataas sa Asya ang bilang ng mga environmental defender na napatay sa Pilipinas sa loob ng 13 magkakasunod na taon.
Ayon kay Estrada, hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga insidenteng ito, lalo’t patuloy ang pagpatay sa mga nagtatanggol sa kalikasan.
Sinabi niyang mga ordinaryong mamamayan ang mga biktima na ipinaglalaban lamang ang kanilang lupa, kabuhayan at kapaligiran, ngunit nauuwi sa pagkamatay.
Batay sa ulat, 124 land at environmental defenders ang napatay sa buong mundo noong 2025, kabilang ang 12 kaso sa Pilipinas. Pinakamataas umano ang bilang ng mga nasawi sa bansa sa labas ng Latin America.
Sa 12 biktima sa Pilipinas, anim ang kabilang sa mga katutubo, tatlo ang ordinaryong magsasaka at isa ang mamamahayag.
Kabilang sa mga kasong binanggit sa ulat ang pagkamatay ng 65-anyos na si Veronico Anterio ng Barangay Carolina, Matuguinao, Samar, na umano’y pinagbabaril ng mga sundalo matapos siyang maging biktima ng red-tagging.
Iginiit ni Estrada na dapat imbestigahan ang mga pagpatay sa environmental defenders at panagutin ang mga nasa likod ng mga krimen.
(DANG SAMSON-GARCIA)
87 