MALAKANYANG SA PNP: ARESTUHIN SI DELA ROSA

HINAMON ng Malacañang ang Philippine National Police (PNP) na tuparin ang kanilang mandato at ipatupad ang anomang balidong warrant of arrest laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sa kabila ng pagiging dating hepe nito ng pambansang pulisya.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat maging dahilan ang dating posisyon ni Dela Rosa at pagiging alumnus ng Philippine Military Academy (PMA) upang hindi ipatupad ng mga pulis ang kautusan ng korte.

Nauna rito, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nagiging mas mahirap ang posibleng pag-aresto kay Dela Rosa dahil dating hepe ito ng PNP at kapwa PMA alumnus ng maraming pulis.

Binigyang-diin ni Castro na tungkulin ng kapulisan na magpatupad ng batas at sumunod sa mga kautusang naaayon sa Konstitusyon.

Giit niya, hindi maaaring ang mismong mga pulis ang magpasya kung huhulihin o hindi si Dela Rosa dahil lamang naging pinuno nila ito noon.

Umaasa rin ang Palasyo na hindi magiging dahilan ang mga panawagan ng ilang abogado ni Dela Rosa upang mag-atubili ang mga pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Itinuturing ni Castro na malaking hamon ito kay PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. upang patunayan na mananaig ang kanyang obligasyon bilang pinuno ng kapulisan kaysa personal na pakikipagkaibigan o pakikipag-alyansa.

Tiwala naman ang Malacañang sa kakayahan ng kapulisan na tuparin ang kanilang mandato sa gitna ng usapin sa pag-aresto kay Dela Rosa, na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

(CHRISTIAN DALE)

93

Related posts

Leave a Comment