PUNA ni JOEL O. AMONGO
UMIINIT ang usapin sa impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte matapos lumutang ang mga pahayag na maaari umanong managot sa batas ang private prosecutors at mga mambabatas na nagsilbing prosecutors dahil sa pag-atras ng tatlong articles of impeachment at umano’y paggamit ng mga gawa-gawang ebidensiya laban sa Bise Presidente.
Kung mapatutunayang may mga dokumento o ebidensiyang sadyang inimbento upang palabasing may kasalanan ang isang opisyal, hindi lamang kredibilidad ng impeachment proceedings ang nakataya kundi pati ang pananagutan ng mga taong nasa likod nito. Hindi biro ang maghain ng mga paratang sa isang impeachment proceeding. Malaki ang epekto nito hindi lamang sa opisyal na inaakusahan kundi maging sa tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
Ang impeachment ay isang prosesong konstitusyonal na dapat nakabatay sa sapat na batayan, makatotohanang ebidensya at patas na pagdinig. Hindi ito dapat gawing instrumento ng pamumulitika, paghihiganti o paninira sa isang halal na opisyal. Ngayon may mga lumabas na impormasyon na minamadaling maglabas ng hatol sa impeachment at sinasabing sigurado na ang conviction ni Vice President Inday Sara Duterte.
Maging sa mga senator-judge ay may napansin na bias at may haka-hakang may sapat na silang bilang para ma-convict si VP Sara Duterte sa impeachment. Kaya lalong lumakas ang pagdududa ng mga Pilipino na talagang pinagtutulungan ang pangalawang pangulo ng executive at legislative o mga kongresista at senador na ayaw kay VP Sara.
Kaya hindi nakapagtataka na habang tumatagal ang impeachment ay unti-unting nawawalan ng ganang manood ang publiko. Hindi maitatanggi ng mga senator-judge na obyus ang kanilang pagnanais na ma-convict si VP Sara dahil sa pagbabago ng voting threshold na mula sa dating 16 sa kabuuang miyembrong 24 senators para sa conviction, ay ginawa na lang 14.
Sa tingin ng mga Pilipino, pinaglalaruan na lamang ng mga senator-judge at mga prosecutor ang batas para tiyakin na masisibak nila ang pangalawang pangulo na nakakuha ng mahigit sa 32 milyong boto noong 2022 elections at lumabas sa mga survey na pinagkakatiwalaang opisyal ng gobyerno ngayon.
Kamakailan, naglabas ng kautusan ang Korte Suprema na pinagkokomento ang Senado, Kamara de Representantes at ang House Prosecution panel sa petisyon na inihain nina Senators Robin Padilla at Bong Go kaugnay sa impeachment trial kay VP Sara Duterte.
Nauna nang hiniling ng dalawang mambabatas na ito na pawang mula sa PDP-Laban, at ilang mga abogado, na baliktarin o ibalik sa orihinal na 16 na boto ang voting threshold sa impeachment trial kay VP Sara. Sa kautusan ng Korte Suprema, pinagsusumite ng komento ang Senado (Senate Impeachment Court), Kamara at prosecution panel sa loob ng limang (5) araw.
Noong Setyembre 22, 2026 inaprubahan ng Senate Impeachment Court ang apela ni Senator-Judge Erwin Tulfo upang baguhin kung paano bibilangin ang voting threshold sa impeachment trial kay VP Sara Duterte. Idinaan sa botohan ang apela ni Tulfo kung saan ay 13 ang pabor, 1 ang tumutol at 6 ay hindi lumahok. Dito nagduda ang mga Pilipino kung paano manipulahin ng majority senators ang pagbabago sa voting threshold na mula sa dating 16 ay ginawang 14 na lang.
Sa pangyayaring ito, sa Korte Suprema na lamang umaasa ang publiko na mabibigyan ng patas na pagtrato kay VP Sara Duterte sa nagaganap impeachment trial laban sa kanya. Paniwala ng mga Pilipino ay pinagkaisahan na ang pangalawang pangulo ng mga senator-judge at prosecutors para siguraduhing ma-convict kahit na walang matibay na basehan. Sa kabila ng mga pangyayaring kaapihan ni VP Sara Duterte ay patuloy naman siyang nakatatanggap ng mataas na grado mula sa mga survey. Imbes na panghinaan ng loob ang pangalawang pangulo ay lalo pa siyang nagiging pursigido na magtrabaho para sa mga Pilipino. Kamakailan ay binisita ni VP Sara Duterte ang Calbayog City, Catbalogan City, Tacloban City at Basey Samar kung saan ay ipinakita ng mga waray ang kanilang mainit na pagtanggap sa pangalawang pangulo.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
77 