ON THE LEVEL ni JUNEX DORONIO
P459.262 bilyon! Ganyan kalaking halaga ang sangkot sa 11,391 kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) dahil sa mga problema sa deklarasyon ng pinansiyal na kapasidad ng mga kontratistang pinagkalooban ng mga proyekto.
Ayon sa ulat ng GMA News, may kontratistang nakakuha ng apat na kontratang nagkakahalaga ng P530 milyon kahit P81 milyon lamang ang kapasidad nito. May isa pa umanong nakakuha ng pitong kontratang nagkakahalaga ng P1 bilyon kahit P189 milyon lamang ang kapasidad.
Ano ito, himala sa procurement?
Sino ang nagsuri sa mga dokumento? Sino ang nag-apruba? At sino ang mananagot kung binalewala ang mga panuntunan?
Hindi biro ang P459 bilyon. Pera ito ng taumbayan na dapat sana’y napupunta sa maayos na kalsada, matibay na tulay, epektibong flood-control projects at iba pang serbisyong pampubliko.
Habang naghihirap ang ordinaryong Pilipino sa taas ng presyo ng mga bilihin, napakalalaking halaga naman ang nakatali sa mga kontratang nangangailangan ngayon ng seryosong paliwanag.
Dapat magpaliwanag ang DPWH. Dapat ipagpatuloy ng COA ang masusing pagsusuri. At dapat imbestigahan ng Ombudsman kung may kapabayaan, sabwatan o iba pang paglabag sa batas.
Kung may opisyal o kontratistang mapatunayang lumabag, panagutin! Walang dapat maging untouchable dahil lamang sa posisyon o koneksyon sa pulitika.
Hindi awtomatikong patunay ng krimen ang pagkakasita ng COA, ngunit hindi rin dapat gawing dahilan ang due process upang ibaon sa limot ang mga seryosong tanong.
Ang tanong: Sino ang nakinabang at sino ang nagbantay sa pera ng bayan?
Sa huli, hindi ang mga opisyal at kontratista ang unang nagdurusa kapag palpak ang mga proyekto. Ang ordinaryong mamamayan ang binabaha, naaaksidente at nawawalan ng kabuhayan.
Kaya dapat malinaw ang mensahe:
P459 BILYON ITO! HINDI ITO PERA NG ILANG MAKAPANGYARIHAN. PERA ITO NG BAYAN!
Walang palusot. Walang pagtatakip. Panagutin ang sinomang mapatunayang nag-abuso sa tiwala ng publiko.
PERA NG BAYAN, PARA SA BAYAN—HINDI JACKPOT NG MGA KONTRATISTA!
***
Para sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com
67 