NAKIISA sina Senador JV Ejercito at Senador Pia Cayetano sa panawagan para sa masusing imbestigasyon at pananagutan kaugnay ng pagkakatagpo sa mga bangkay ng mga alagang hayop na itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sinabi ni Ejercito na nakagagalit at nakalulungkot ang sinapit ng mga hayop na iniuugnay sa isang pet crematorium sa Bacoor City, Cavite.
Bilang pet lover, binigyang-diin ng senador na bahagi na ng pamilya ang mga alagang hayop kaya nararapat lamang na bigyan sila ng wastong pag-aalaga at dignidad, maging sa kanilang huling hantungan.
Ikinatuwa rin ni Ejercito ang pagpapasara ng pamahalaang lungsod ng Bacoor sa naturang pet crematorium at ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
Iginiit niyang hindi sapat ang pagsasauli ng bayad sa mga kliyente upang panagutan ang umano’y kapabayaan at posibleng pang-aabuso. Dapat ding tiyaking sumusunod sa mga batas at regulasyon ang mga negosyong nagbibigay ng pet aftercare services.
Tiniyak ni Ejercito na sisilipin ng Senado ang insidente in aid of legislation upang matukoy ang mga kakulangan sa umiiral na mga batas at makapagmungkahi ng mga hakbang para hindi na maulit ang kahalintulad na pangyayari.
Samantala, nangako si Cayetano na magsusulong ng imbestigasyon sa Senado sa pamamagitan ng paghahain ng resolusyon.
Kinondena ng senadora ang umano’y kapabayaan sa paghawak at pagtatapon sa mga labi ng mga alagang hayop na iniuugnay sa naturang pet crematorium.
Bilang pet owner, sinabi ni Cayetano na nauunawaan niya ang lungkot na nararanasan ng mga pamilya sa pagkawala ng kanilang mga alagang hayop. Inilarawan niya ang naiulat na insidente bilang malubhang kapabayaan at kawalan ng paggalang sa mga namatay na hayop na maaaring maging batayan ng legal na aksyon.
(DANG SAMSON-GARCIA)
65 