BATAY sa kaugalian ng bayan, ginugunita ng mga taga-Angono, Rizal ang Araw ng mga Kaluluwa tuwing Nobyembre 2, sa pangunguna ni Mayor Gerry Calderon.
Binigyang-diin ng alkalde na tama ang ganitong kaugalian dahil ang Nobyembre 1 ay itinalaga bilang Araw ng mga Santo, samantalang ang Nobyembre 2 ay ang Araw ng mga Kaluluwa — isang tradisyong kinagisnan na ng mamamayan dito.
Kabilang sa mga taunang dumadalaw sa Sementeryo ng San Clemente ay ang pamilya at mga tagahanga ng dalawang pambansang alagad ng sining na nagmula sa bayan: si National Artist Carlos “Botong” Francisco sa larangan ng sining, at si National Artist Lucio San Pedro sa larangan ng musika.
Upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan, nagtalaga si P/Lt. Col. Ariel Azurin, hepe ng Pulisya ng Angono, ng 41 tauhan ng pulisya sa tatlong sementeryo ng bayan. Tinatayang umabot sa 12,000 ang kabuuang bilang ng mga dumalaw sa mga sementeryo.
Maayos naman ang naging daloy ng trapiko sa nasabing araw, lalo na sa pagbubukas ng Duavit/Baytown Road na itinalagang isang linya ng daan patungong Maynila upang mapabilis ang pag-alis ng mga sasakyan.
Gaya ng nakagawian, isinagawa rin ang taunang pagtatanghal sa gabi sa tapat ng sementeryo, kung saan sumayaw si Mayor Gerry Calderon kasama ang Angono dancers bilang pagpupugay sa mga yumao.
(KNOTS ALFORTE)
68 