UMAKYAT na sa walo ang bilang ng mga namatay bunsod ng pananalasa ng Super Typhoon Karding sa Pilipinas, kabilang ang limang kasapi ng Bulacan Province-Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro, Civil Defense Deputy Administrator for Operations at tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa kasalukuyan ay walo na ang naitalang namatay dahil sa bagyo.
Kabilang dito ang limang veteran rescuers na namatay sa flash flood sa Sitio Galas, Barangay Kamias ng nasabing bayan. Kasalukuyan pang sumasailalim sa validation ang dalawang iniulat na namatay sa Zambales at isa sa lalawigan ng Quezon.
Lubha umanong naperwisyo ng Bagyong Karding ang sektor ng agrikultura na tinatayang umabot sa P160 million ang inisyal na halaga ng pinsala, ani Alejandro
Nasa 3,780 magsasaka at mga mangingisda ang naapektuhan ng bagyo.
Nasa 45,334 katao o 11,500 pamilya naman ang lumikas para humanap ng ligtas na masisilungan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
“[President Ferdinand Marcos Jr.] saw for himself ‘yung damage sa agriculture especially sa Nueva Ecija,” pahayag ng NDRRMC spokesperson.
Libo-libong pasahero ang iniulat na-stranded dahil napilay ang operasyon ng 47 seaports noong Lunes. (JESSE KABEL)
