P200 pabuya kada ulo garantisado! DAGA SA MARIKINA CITY WANTED DEAD OR ALIVE

(Ni ENOCK ECHAGUE)

KASABAY ng pagpasok ng panahon ng tag-ulan ay ang iba’t ibang klase ng karamdaman kabilang ang trangkaso, ubo, lagnat, sipon, dengue at maging ang leptospirosis na karaniwang nakukuha sa paglusong sa maruming tubig baha.

Sa isang lungsod na taunang binabaha, kakaiba ang gimik ng pamahalaang lungsod laban sa nakamamatay na leptospirosis sa mga komunidad na laging binabaha – kwarta kapalit ng daga.

Sa isang kalatas ng Marikina City government nito lamang nakaraang linggo, hinikayat ni Mayor Marcelino Teodoro ang pakikiisa ng mga residente. Aniya, tulungan silang sugpuin ang peligrong kalakip ng leptospirosis.

Ang alok ng alkalde – kwarta kapalit ng daga!

Ano ang Leptospirosis?

Ayon sa mga dalubhasa sa larangan ng siyensya at medisina, lubhang mapanganib ang leptospirosis na pasok sa kategorya ng “biphasic disease” na dala ng mga dumi at ihi ng dagang nagtatampisaw sa mga tubig baha.

Kabilang sa mga sintomas ng naturang karamdaman ay pagkakaroon ng lagnat, panginginig pananakit ng katawan, pamumula ng mata, pagsusuka, pagtatae, pananakit ng tiyan, pantal at sakit ng ulo.

Gayunpaman, hindi lahat ng mga naitalang kaso ng leptospirosis ay nakitaan ng sintomas.

Ito mismo ang ikinababahala ng mga duktor. Anila, posibleng humantong sa komplikasyon tulad ng meningitis, sakit sa atay, sakit ng bato, pagkabingi – mga karamdamang higit na nangangailangan ng mas mahabang gamutan at malaking gastusan – kung agad na maagapan.

Kanlungan ng Leptospirosis

Karaniwang sumisibol ang leptospirosis sa mga madumi at binabahang lugar tulad ng Marikina City na higit na kilalang “catch basin” bunsod ng pagiging lambak (valley) ng mga kabundukan sa paligid ng lungsod.

Sa mga nakalipas na panahon, wala maski isang taon na hindi binaha ang Marikina sa kabila pa ng bilyon-bilyong pondong naubos ng pamahalaan sa puspusang flood control projects ng mga nagdaang administrasyon.
At sa tuwing magkakaroon ng baha, kasamang lumulutang ang mga basurang inaanod mula sa mga mataas na lugar patungo sa mga mababang komunidad at mga pamayanan sa tabing ilog kung saan gumugugol ng panahon ang paghupa ng bahang nagsisilbing palaruan naman ng mga daga.

Tugon ng Marikina LGU

Sa hangaring bawasan – kundi man tuluyang matuklukan – ang mga kaso ng leptospirosis sa Marikina City, minabuti ng pamahalaang lungsod maglunsad ng kakaibang gimik. Ayon sa alkalde, babayaran nila ng P200 ang bawat dagang isusuko sa kanila – patay man o buhay.

Taong 2020 nang unang inilunsad ng pamahalaang lungsod ang naturang programang gumarantiya ng pabuya sa bawat dagang masisilo ng mga residente ng Marikina.

Sa ilalim ng tinawag na Rat-For-Cash program ng Marikina City government, P200 ang katumbas sa bawat dagang (tumitimbang ng 150 gramo) na “maisusuko” sa kanilang City Environmental Management Office sa kahabaan ng Gil Fernando Avenue sa Barangay Sto. Niño.

Ani Teodoro, higit pa sa pabuya ang layon ng naturang programang tumagal lamang ng limang araw (Setyembre 13-17) – ang imulat at gawing bahagi sa araw-araw ang paglilinis ng mga mamamayan sa kanilang munting pamayanan.

Pabuya sa 3,211 Daga

Sa tala n CENRO, umabot sa 3,211 daga ang “isinuko” sa kanilang tanggapan sa limang-araw na puspusang pagtugis sa mga dagang pinaniniwalaang may dalang peligro.

Kung pagbabatayan ang paandar ng lungsod, tumataginting na P963,300 ang katumbas na gastos. Gayunpaman, nilinaw ng pamahalaang lungsod na ang binayaran lang ay ang mga dagang tumimbang ng 150 gramo pataas.

“Naka-indicate naman po yun sa inilabas namin guidelines,” ayon sa isang kawaning tumangging ipabanggit ang pangalan.

Aniya, kung pagbabatayan ang panuntunan, tinatayang abot lang sa P300,000 ang inilabas ng pamahalaang lungsod para sa pabuya.

“Pero taun-taon na po yang programang yan. Natigil lang noong kasagsagan ng pandemya,” pahabol pa niya.

 

167

Related posts

Leave a Comment