GAMIT ang aso ng Philippine Drug Enforcement Agency K-9 Unit, nasabat ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), katuwang ang PDEA Regional Office–National Capital Region (PDEA RO-NCR), ang nasa 307.866 kilo ng mga tuyong dahon na hinihinalang high grade marijuana o kush na nakapaloob sa dalawang inabandonang parcel sa PAIR-PAGS Center, NAIA Complex, Lungsod ng Pasay.
Isinagawa ang operasyon ng interdiksyon dakong alas-1:30 ng hapon noong Nobyembre 23, 2026, ng NAIA-IADITG/Arrival Inspection at sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI).
Ang unang parcel na idineklara bilang sari-saring plastik na laruan ng mga bata at ipinadala mula sa Thailand, ay naka-consign sa isang taga Lungsod ng Caloocan.
Sa pagsusuri, natuklasan ng mga awtoridad ang ilang kahon na kulay tsokolate na naglalaman ng mga transparent plastic bag na puno ng mga tuyong dahong hinihinalang marijuana kush, na nakatago sa gitna ng mga laruan at iba pang gamit.
Ang ikalawang parcel, na idineklara bilang mga side mirror ng trak at ipinadala rin mula sa Thailand, ay naka-consign sa isang tatanggap sa Bulacan. Sa karagdagang pagsusuri, nakita ang mga tuyong dahong hinihinalang marijuana kush na nakatago sa loob ng mga side mirror ng trak na nakabalot sa ilang kahon na kulay tsokolate.
Ang mga nasamsam na hinihinalang ilegal na droga ay may tinatayang standard drug price na P369,439,200.00.
Binigyang-diin ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez ang napakahalagang papel ng narcotics detection dog ng PDEA at ng kanilang mga handler bilang mga mahalagang operational asset sa pagtuklas ng mga nakatagong ilegal na droga, pagpapalakas ng seguridad sa hangganan, at pagpigil sa mga mapanganib na sangkap na ito na makarating sa mga komunidad sa Pilipinas.
Ipinunto niya na ang matagumpay na pagkakasamsam ng malalaking bulto ng marijuana kush na nakatago sa sari-saring plastik na laruan ng mga bata mula sa Thailand, at sa isang parcel na maling idineklara bilang mga side mirror ng trak, ay nagpapakita ng pagiging mabisa, husay, at dedikasyon ng mga K9 unit ng ahensya.
“Mahahalagang operational asset ang ating mga narcotics detection dog. Sa likod ng bawat matagumpay na operasyon ay ang mga mahuhusay na handler at mga dedikadong lingkod-bayan na ang trabaho ay nakatutulong upang protektahan ang sambayanang Pilipino,” ani DG Nerez.
Walang indibidwal na naaresto sa operasyon dahil natagpuang inabandona ang mga parcel. Isusumite ang mga nasamsam na ebidensyang droga sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination.
(JESSE RUIZ)
30 