(Ni JOEL AMONGO)
Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 30 vape cartridges mula sa isang Filipino-American na pinaniniwalaang naglalaman ng liquid marijuana na nagkakahalaga ng P45,000 sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni NAIA-Customs District Collector Carmelita Talusan ang naares¬tong dayuhan na si Hamre Tamayo Orion Alfonso, 27, ng Winconsin, United States, at residente ng Merville Subdivision, Parañaque City.
Idineklara umano ang mga cartridges bilang tsokolate na pinadala umano ng isang Michael Arash Abedzadeh ng Shanghai, China.
Dumating umano ang nasabing parcel sa CMEC noong nakaraang Marso 31, 2019.
Ayon kay CMEC Customs Collector Nora Cawili, una na nilang ipinaalam sa consignee ang ukol sa parcels nito mula China at nitong Lunes ay dumating ang naarestong dayuhan upang kunin ito.
Dito na umano agad na inaresto ito ng mga tauhan ng Customs at PDEA.
Ayon kay Talusan, ang parcels ng liquid marijuana ay sinuri na ng PDEA.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang suspek habang inihahanda ang kaso laban dito.
Sa ilalim ng Philippine Dangerous Drugs Act (PDDA) , mahigpit na ipinagbabawal ang pag-angkat ng cannabis oil o liquid marijuana sa bansa dahil kinokonsidera itong illegal drugs.
