HINIMOK ni Senate President Alan Peter Cayetano ang publiko na bantayang mabuti ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y mga anomalya sa flood control projects upang matiyak na hindi ito mauwi sa selective justice at paghahanap lamang ng mga masisisi.
Sa panayam matapos ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee nitong June 4, sinabi ni Cayetano na mahalagang mabantayan ng taumbayan ang takbo ng imbestigasyon upang manatiling patas at kapani-paniwala ang proseso.
“Kaya nga ang sinasabi ko sa inyo: Bantayan ninyo nang husto ang Blue Ribbon Committee hearings kasi imbes na maging instrument for truth, ginagamit na instrument para magkaroon ng scapegoats, selective justice, o kaya ginagamit para hindi mabuo y’ung tunay na Majority,” wika niya.
Nang tanungin siya kung bakit hindi dumalo ang mga senador mula sa Majority bloc sa huling tatlong sesyon ng plenaryo, sinabi ni Cayetano na tugon lamang ito sa Minority bloc na gumamit din aniya ng parliamentary procedure bago kalaunan ay nagsagawa ng isang “illegal maneuver” sa halip na sundin ang mga umiiral na tuntunin ng Senado.
“‘Di ba nag-walk out sila kasi ayaw nila na makaboto y’ung trese [Majority]. So they used a parliamentary tool which is calling the quorum then adjournment. So, we also used a parliamentary tool na walang quorum,” wika niya.
“But sila, instead na sumunod sa rules nung nacheckmate sila eh binasura nila y’ung Constitution and [Senate] rules by coming with a patently illegal maneuver yesterday. Ganoon lang ka-simple,” dagdag niya.
Iginiit din ng Senate President na may mga pagtatangkang kontrolin ang mga komite ng Senado at mapigilan ang mga kasalukuyang imbestigasyon.
“Ang gusto nilang gawin, isa-isang arestuhin y’ung mga nasa majority pagkatapos kukunin nila y’ung committees, at ‘pag nakuha na nila, hindi matutuloy y’ung hearings,” wika niya.
Bagaman aminado siyang posibleng magbago ang pamunuan ng ilang komite sa mga susunod na araw, sinabi ni Cayetano na nais lamang ng Majority bloc na maituloy muna ang mahahalagang pagdinig bago mangyari ito.
“Kaya kami, alam namin na ‘walking dead’ kami, alam naming anytime kukunin yu’ng committees, alam ko eventually magiging trese sila, but sana lumabas muna y’ung katotohanan bago mangyari iyon,” wika niya.
117 