RESORT MANAGER SA CEBU TIMBOG SA ILEGAL NA PAG-AALAGA NG ENDANGERED ANIMALS

KALABOSO ang isang babaeng resort manager matapos makumpiskahan ng mga endangered at exotic animals na walang kaukulang permit sa Cebu.

Sa ulat, sinalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 7 ang isang resort sa Barangay Kawit, Medellin, Cebu.

Sa isinagawang operasyon, narekober ang apat na African Spurred Tortoise, anim na parrots, isang Black Palm Cockatoo, at dalawang Macaws.

Ayon sa mga awtoridad, walang maipakitang kaukulang permit mula sa DENR para sa pag-aalaga at pag-iingat ng mga naturang hayop.

Napag-alaman din na ginagamit umano ang mga hayop bilang tourist attraction sa resort.

Agad namang inaresto ang babaeng manager at dinala sa kustodiya ng mga awtoridad para sa kaukulang imbestigasyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung may iba pang indibidwal na sangkot sa ilegal na pag-aalaga ng mga protected wildlife species.

(TOTO NABAJA)

138

Related posts

Leave a Comment