“SINO ang legitimately elected Senate President? Nasa harap niyo. Pero ayokong daanin sa loyalty sa tao, kundi loyalty sa institution.”
Muling iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ang kanyang awtoridad bilang lehitimong pinuno ng Senado, kasabay ang panawagan sa mga kawani ng Senado na manindigan para sa Senate Rules, sa katotohanan, at sa institusyong kanilang pinaglilingkuran.
“You may not like me, but you know in your heart I am telling you the truth,” pahayag ni Cayetano sa press conference pagkatapos ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control scandal noong June 4, 2026.
Bagama’t malinaw aniya na siya ang lehitimong Senate President, ayaw niyang i-“pressure” ang mga kawani ng Senado na pumanig sa kanya.
Sa halip, umaasa siyang magdedesisyon ang mga ito batay sa kanilang konsensya at katapatan sa institusyon.
Nagkaroon ng kalituhan noong Miyerkoles matapos maglabas ng work-from-home memo si Senator Sherwin Gatchalian bilang umano’y bagong Acting President, sa kabila ng naunang anunsyo ni Cayetano na tuloy ang nakatakdang Blue Ribbon hearing sa Senado.
“I have to assert my authority as Senate President. Now it’s up to the employees ng Senate, sa konsensya nila, kasi alam naman nila kung sino ang nagsasabi ng totoo,” mensahe ni Cayetano.
“So I’m talking now to the Senate employees: is your loyalty to the institution or to certain personalities? Ano ang tamang batas?” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, malinaw sa ilalim ng Konstitusyon at Senate Rules na kung walang boto ng 13 senador, hindi maaaring bakantehin ang pwesto ng Senate President, Senate President Pro Tempore, ni ang maghalal ng Acting President.
Sa kasalukuyan, may 24 na aktibong senador, nasa loob man o labas ng Senate building kaya 13 senador ang kailangan para magka-mayorya.
“Wala silang 13, so wala silang quorum. Kahit anong imbento nila sa kanilang justification, hindi totoo ‘yun,” pahayag ni Cayetano.
Punto niya, 12 senador lamang ang naroon nang may magmosyon para ideklarang bakante ang lahat ng posisyon, kabilang ang Senate presidency. Kaya ayon sa Rules, dapat ay idineklarang “lost” ang mosyon.
“Dapat ang pinukpok ni Senator Win [sa gavel] is that the motion is lost kasi 12 lang sila. Kami n’ung nag-declare kami ng all seats vacant, 13 kami,” ani Cayetano.
Babala ng Senate President, ang naganap na power grabbing sa Senado ay usaping higit pa sa paksyon o sa iisang personalidad.
“Ano’ng kasunod? People’s Initiative or Constitutional Assembly. So hindi ito labanan ng si Sotto o si Cayetano o si Gatchalian, ang Malacañang at ang Senate. Hindi po. Future ng ating bansa ang at stake dito, kaya hindi masagot ng diretso ng Malacañang at ng 11 plus 1 kung anong pinaggagawa nila,” diin ni Cayetano.
Sa kabila nito, sinabi ni Cayetano na hindi siya magtutulak ng karahasan at sa halip ay mahinahon niyang ipaglalaban ang karapatan ng Senado bilang institusyon at ang kanyang karapatang gampanan ang tungkulin bilang “duly elected Senate President”.
“Right now, no violence. I’m not calling for any kind of civil disobedience. I will calmly and actively fight for the rights of the Senate, rights of the duly elected Senate President, and appeal to people’s conscience. Ang role ko po ngayon ay ipaglaban ang totoo,” aniya.
Nanawagan din siya sa publiko na maging mapanuri at alamin kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo.
“I’m talking to the people: Decide for yourself kung sino ang nagsasabi ng totoo,” panawagan ni Cayetano.
108 