P50 MILYON PARA SA ULO NI SEN. DELA ROSA

Kurdapyo ni TOTO NABAJA

PALDO ang sinomang makapagtuturo para sa ikadarakip kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Mga Katotong Kurdapyo at Kurdapya, P50M ang inanunsyong pabuya ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kapalit ng pag-aresto kay Sen Bato. Pinakamalaki sa kasaysayan!

Manggagaling ang pondo sa intelligence funds ng DILG at PNP para sa ikadarakip ng senador na ngayon ay itinuturing na number 1 most wanted person at “armed and dangerous”. Aray naku! Pakak!

Isang linggong palugit ang ibinigay ng PNP kay dela Rosa para boluntaryong sumuko.

May mga alegasyon na ang senador ay ikinakanlong ng mga minero at isang grupo na armado sa Mindanao.

Ops teka lang… walang kumpirmasyon ang mga awtoridad na sa Mt. Diwalwal sa Monkayo, Davao de Oro nagtatago si Bato, ha.

Ang alegasyon na nagtatago sa Mindanao si Senator dela Rosa na kinakanlong ng mga minero at armadong grupo ay nagmula sa isang pahayag ni Ramon Tulfo.

Ay abaw ah! Kung totoong sa Mt. Diwalwal nga nagtatago itong si Bato at aarestuhin siya nang sapilitan. Ano sa palagay nyo? Ipaglaban kaya siya ng tinatayang 10-12 libong populasyon sa lugar?

Hindi kaya ito ‘yung sinasabi ni Remulla na posibleng umabot sa 10 libong katao ang masasawi kapag sapilitan at humantong sa marahas na komprontasyon ang pag-aresto sa mambabatas. Tsk… tsk… tsk…

Para maiwasan ang pagdanak ng dugo, patuloy na nakikipagnegosasyon ang DILG sa kampo ni Senator Bato para sa matiwasay na pagsuko.

Ang malaking tanong ay paano kung hindi sumuko si Bato na kilalang isang dating Scout Ranger at bihasa sa survival at ipaglaban nga ng mga sinasabing nagkakanlong sa kanya, ano ang susunod na hakbang ng DILG?

Kung 10 libo ang pinangangambahang masawi sakaling mauwi sa marahas na komprontasyon ang pag-aresto kay Senator Bato, para ka nang nagdeklara ng “no man’s land” sa isang lugar. Ambot sa bakang biyuda!

Mga Ka-Toto, ang “no man’s land” ay ginagamit sa digmaan kung saan pinalilikas ang mga tao sa lugar at pagdating ng oras at araw na itinakda, maaari na nilang ikonsidera na kalaban ang natitira.

85

Related posts

Leave a Comment