P6.8-M SHABU NASABAT SA PAMPANGA

PAMPANGA – Matagumpay ang isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Arayat Municipal Police Station, katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Pampanga Police Provincial Office, na nagresulta sa pagkakaaresto ng high value target at nasamsam ang P6.8-milyong halaga ng umano’u shabu sa Barangay Mapalad, sa bayan Arayat, noong Sabado ng hapon.

Ayon kay Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director, Police Brigadier General Jean S. Fajardo, ang operasyon ay humantong sa pagkakaaresto sa isang 48-anyos na high-value na indibidwal na kinilala lamang sa pangalang “Ramil,” residente ng nasabing barangay.

Nakuha mula sa suspek ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang P6.8 milyon ang halaga.

Nakumpiska rin sa suspek ang P5,000 marked money na ginamit sa operasyon.

Dinala ang suspek at ang nakumpiskang ilegal na droga sa Arayat MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matuklasan ang lawak ng network ng suspek at matukoy ang mga posibleng link sa mas malalaking sindikato ng droga.

“Pinupuri namin ang dedikasyon at pagbabantay ng aming mga operatiba sa Police Regional Office 3. Ang pag-aresto na ito ay isang patunay ng aming matatag na paninindigan laban sa ilegal na droga at ang aming pangako na panatilihing ligtas ang aming mga komunidad,” ani Fajardo.

“Binibigyang-diin ng tagumpay na ito ang patuloy na pagpupursige ng PNP laban sa ilegal na droga alinsunod sa pangako nito sa isang mas ligtas at walang droga sa Central Luzon,” aniya pa.

(ELOISA SILVERIO)

37

Related posts

Leave a Comment