P66M-P98M KADA TAON ‘DI NAIDEKLARANG ARI-ARIAN NG DUTERTE-CARPIO COUPLE

UMAABOT sa P66 milyon hanggang P98 milyon kada taon ang sinasabing hindi naideklarang ari-arian nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, batay sa kuwenta ng House prosecution matapos ikumpara ang kanilang mga financial record sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers, lumabas sa bank records at testimonya na hindi umano lubusang naideklara sa SALN ang mahahalagang impormasyon tungkol sa kanilang mga ari-arian.

“Bank records and testimony show that the SALN declarations are all false. Bakit false? Because hindi fully and truthfully declared ang material information doon sa SALN,” paliwanag ni Barbers.

Inihambing ng prosecution ang year-end bank balances, insurance at investment payments, gayundin ang mga baril na iniuugnay sa mag-asawa, sa pinagsamang halaga ng kanilang mga ari-arian na idineklara sa ilalim ng “Others” o “Various” sa SALN.

Lumabas na mahigit P80 milyon ang agwat noong 2022, mahigit P98 milyon noong 2023, mahigit P66 milyon noong 2024 at mahigit P70 milyon noong 2025.

Pinakamalaki ang discrepancy noong 2023, nang matukoy ng prosecution ang mahigit P71 milyon sa bank balances, P35.9 milyon sa insurance at investments at mahigit P7 milyon sa mga baril.

Samantala, wala pang P15 milyon ang idineklarang “Others” o “Various” nina Duterte at Carpio para sa naturang taon.

Naglista ang prosecution ng 29 account sa walong bangko—Land Bank of the Philippines, Asia United Bank (AUB), Philippine Savings Bank (PSBank), Metropolitan Bank and Trust Company (Metrobank), Security Bank, Bank of the Philippine Islands (BPI), Philippine National Bank (PNB) at BDO.

Hindi kabilang sa bilang ang mga account na isinara na.

Ayon kay Barbers, walang hiwalay na idineklarang cash on hand o cash in bank si Duterte sa alinman sa apat na SALN na sinuri.

“Sa lahat ng SALN ni VP Sara, wala siyang idineklarang cash on hand o cash in bank,” ani Barbers.

Batay sa mga bank record, umabot sa P59 milyon ang pinagsamang year-end balance noong 2022, P71 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024 at P39 milyon noong 2025.

Noong 2023, kabilang sa pinakamalalaking balanse ang P32.1 milyon sa BDO at P21.5 milyon sa PNB.

“Now, even if we assume all of VP Sara’s other personal properties sa kanyang SALN were cash, kulang pa rin at malaki pa rin ang undeclared,” sabi ni Barbers.

Samantala, mas mababa sa P14 milyon ang pinagsamang “Others” o “Various” nina Duterte at Carpio noong 2022, P15 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024 at P30 milyon noong 2025.

(TINA MENDOZA)

114

Related posts

Leave a Comment