REGULARISASYON NG “TEMPO” TNVS SA MEGA MANILA NILARGA

SISIMULAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang proseso ng regularisasyon ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) na bumibiyahe sa Mega Manila sa ilalim ng tinatawag na “tempo” scheme, alinsunod sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., magsisimula ang pagtanggap ng aplikasyon sa Oktubre 8 at tatagal nang 30 araw.

Lahat ng aplikasyon ay ipoproseso online sa pamamagitan ng opisyal na digital platform ng LTFRB o sa iba pang digital portal na itatalaga ng ahensya.

Maaaring direktang magsumite ng aplikasyon ang mga individual TNVS operator o accredited Transport Network Companies (TNC) sa pamamagitan ng kanilang awtorisadong kinatawan para sa mga kwalipikadong driver.

Ang “tempo” ay tumutukoy sa praktis ng ilang TNC na tumatanggap sa kanilang digital platforms ng mga TNVS unit kahit wala pang kaukulang authority mula sa LTFRB.

Ayon sa LTFRB, paglabag sa mga tuntunin at regulasyon ng ahensya ang naturang praktis dahil pinapayagan nitong makapag-alok ng serbisyo sa publiko ang mga unit na walang valid authority.

Sinabi ni Pua na ang hakbang, na nakapaloob sa Memorandum Circular 2026-111, ay naglalayong matulungan ang libu-libong TNVS driver na naging bahagi ng naturang sistema at nagkaroon ng malalaking obligasyong pinansyal matapos umasa sa proseso ng onboarding ng mga TNC.

Sinabi ni Pua na naaayon ang hakbang sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng patas na mga tuntunin at regulasyon habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng public transport sector.

Binigyang-diin din ng acting chairman na mahigpit na saklaw ng polisiya ang mga hindi awtorisadong TNVS unit na nakatala lamang sa mga na-validate na masterlist na naunang isinumite ng mga TNC.

Nilinaw niya na hindi nangangahulugan ang memorandum circular ng pangkalahatang pagbubukas para sa mga bagong TNVS application.

(PAOLO SANTOS)

55

Related posts

Leave a Comment