TOLL RELIEF IPINATUPAD SA NLEX

BILANG tugon sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr), nagpatupad ang NLEX Corporation ng pansamantalang toll relief sa northbound na bahagi ng expressway mula Balintawak hanggang Meycauayan na nagsimula nitong Marso 24, 2025, dakong alas-12 ng tanghali.

Ayon sa NLEX, ang relief ay mananatiling may bisa hanggang sa muling mabuksan ang lahat ng apat na lane ng Marilao northbound area.

Matatandaang noong Marso 19, 2025, bandang 1:30 ng madaling-araw nang bumangga ang dalawang trak sa Marilao Bridge.

Ang tulay ng Marilao ay nagkaroon ng matinding pinsala mula sa pagkakabangga, at ang mga pagbabago sa trapiko ay ipinatupad upang mapadali ang patuloy na pag-aayos at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

“Hinihingi namin ang pasensya at pang-unawa ng motoring public habang kami ay mabilis na nag-aayos at nagtatrabaho upang maibalik ang normal na daloy ng trapiko sa lalong madaling panahon,” sabi ng NLEX.

Nabatid na isinasagawa ang 24/7 na pagkumpuni sa Marilao Bridge upang matapos agad.

(ELOISA SILVERIO)

61

Related posts

Leave a Comment