PAGPAPALAWIG NG WORK FROM HOME SA BPO, SUPORTADO NG SOLONS

SUPORTADO ni Senador Risa Hontiveros sa pagpapalawig ng work from home arrangement para sa mga manggagawa ng business process outsourcing (BPO) lalo pa ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng langis.

“I support the extension of the work from home arrangement for workers especially now that we are in the middle of an oil price crisis,” saad ni Hontiveros.

Ang pahayag ng senador ay dahil sa pagtanggi ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) na palawigin ang remote work arrangement para sa mga BPO.

Kung sakaling hindi sumunod ang mga kumpanya, nanganganib na bawiin ang kanilang tax incentives na maaaring makapinsala sa kanilang negosyo at lalong maantala ang kanilang recovery.

Ayon kay Hontiveros, maaari namang baguhin ng FIRB ang mga alituntunin pagdating sa tax incentives. Idinagdag niya na mas makatwirang hayaan ang mga manggagawa ng BPO na magpatuloy sa work-from-home set-up upang makatulong sa pag-iwas sa epekto ng tumataas na gastos sa transportasyon.

“Dapat bigyan ng option ang mga manggagawa na kung kakayanin ay sa bahay na lang muna mag-trabaho para makatipid sila sa gastos sa pamasahe at maibsan ang pagod sakaling babyahe. Sa panahong ito, kailangan ng leniency pagdating sa pagpapatupad ng polisiya para sa ikabubuti ng mga manggagawa,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi rin ni Hontiveros na mali ang pahayag ng Finance Department na ang pagbabalik sa opisina ng mga empleyado ng BPO ay makatutulong sa muling pagbuhay ng economic demand na bunga ng kanilang paggastos.

“Hindi naman mababawasan ang konsumo ng BPO workers kahit saan sila nagtatrabaho. Gagastos sila at gagastos nasa bahay man o on-site magrereport. Mas lugi pa nga na gagastos sila sa gasolina o pagko-commute imbes na pandagdag na lang sa iba pa nilang essential needs sa bahay. Magkakaoras pa nga silang ipasyal ang pamilya nila dahil mababawasan ang puyat nila,” diin pa ni Hontiveros.

Idinagdag pa ni Hontiveros na bukod sa mga BPO, dapat maging opsyon pa rin ang work-from-home lalo sa mga empleyado na naging maganda ang performance noon pandemic kahit na hindi sila nagrereport sa opisina araw-araw.

“Sa mga panahong lahat ay nabibigatan sa krisis pang-ekonomiya, tungkulin ng gobyerno na tulungang pagaanin ito para sa mamamayan. Umaasa ako na magkakaroon ng extension sa remote work arrangement, at kung maaari hindi lang sa mga BPO companies kundi sa iba pang kumpanya na pwede ang work-from-home set-up,” diin nito.

Suportado rin ito ni Sen. Joel Villanueva.

“Dapat manguna ang gobyerno sa pagtugon sa abiso ng NEDA at ipatupad ito para sa IT-BPO sector,” sabi ni Villanueva, chair ng Senate labor committee.

“Dapat meron tayong policy cohesion. Hindi dapat natin i-encourage ang alternative working arrangements sa ibang industriya habang babawalan naman natin ang WFH ng isang industriya,” dagdag niya.

Nanawagan si Villanueva na iatras ng gobyerno ang ultimatum nito sa mga It-BPO na itigil ang remote work dahil sa bantang mawawalan sila ng tax incentives, na para na ring kaltas sa kita ang pag-commute.

Maliban sa “kaltas” na ito na napupunta sa gasolinahan o sa pamasahe, ang return-to-work order ay nangangahulugang kinakain ng gastos sa commute ang budget sana sa pagkain ng pamilya, paliwanag ng senador.

“One of the best energy crisis mitigation measures pa rin ang work from home”, sabi ni Villanueva.

“The most fiscally responsible ayuda is the one in which the industry and workers determine their mitigation measures such as that proposed by the IT-BPO workers,” sabi niya.

Sa isang sulat noong Marso 17, 2022, umapela si Villanueva sa Department of Finance na i-reconsider ang desisyon ng Fiscal Incentive Review Board (FIRB) na maari lamang magpatuloy ang 90% IT-BPO workers sa kanilang WFH hanggang sa katapusan ng buwan.

Maliban sa pagtugon sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, binanggit din ng senador ang mga benepisyo ng WFH, gaya ng patuloy na pagtatrabaho sa kabila ng pandemya, gayundin ang epekto nito sa pagtaas ng productivity at pagkakaroon ng work-life balance ng mga manggagawa.

Sinabi rin ng principal author and sponsor of the Telecommuting or Work From Home Law na naniniwala siya na ang polisiya ng gobyerno ay dapat maghikayat ng adoption ng alternative work arrangements para sa kalusugan at kapakanan ng mga manggagawa at negosyo.

Nauna nang nanawagan si Villanueva sa gobyerno na makipag-ugnayan sa mga industriya para sa full implementation ng Work From Home Law para makatulong sa mga negosyo at manggagawa mula sa tumataas na presyo ng gasolina. (DANG SAMSON-GARCIA/ESTONG REYES)

108

Related posts

Leave a Comment