PINAG-AARALAN ng pamahalaan ang panukalang pansamantalang akuin ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga empleyado sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng krisis sa Middle East.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pag-aaralan ang naturang hiling kasabay ng pagpapatupad ng iba’t ibang relief measures mula sa mga ahensya ng gobyerno.
“Mayroon nang ginagawa ang SSS, GSIS at Pag-IBIG para sa ating mga kababayan,” ani Castro.
Nauna nang inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, na isinusulong ang pagbibigay ng targeted subsidy para sa middle class, kabilang ang pansamantalang pagsuspinde o pag-absorb ng pension contributions.
“May proposal tayo para magbigay ng targeted subsidy sa ating middle class. I-absorb ng gobyerno ang pension premiums na binabayaran ng mga nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor, gaya ng ginawa noong pandemya,” ani Gatchalian.
Samantala, tiniyak ni Castro na umiiral na ang mga relief measures ng mga pangunahing ahensya ng gobyerno upang magbigay ng agarang tulong.
Ayon sa kanya, may inilaan ang SSS na aabot sa P60 bilyong financial assistance at benepisyo para sa mga miyembro, pensioner, at employer, kabilang ang loan programs, maagang implementasyon ng 2026 pension increase, loan penalty condonation, at relief sa contribution delinquency ng mga employer.
Sa GSIS naman, ipinatutupad ang Balik-Ginhawa Program na nagbibigay ng tatlong buwang loan moratorium.
“Sa GSIS, may Balik-Ginhawa Program kung saan may tatlong buwang loan moratorium at maaaring ma-refund muna ang hulog upang magamit ng mga miyembro, na babayaran nila nang walang interes,” ani Castro.
Idinagdag niya na nasa 297,162 sa 353,667 aplikasyon ang naaprubahan sa ilalim ng programa.
Bukod dito, naglunsad din ang Pag-IBIG Fund ng Special Benefit Package para sa mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs).
Pinapayagan ang mga OFW na mag-withdraw ng hanggang 100 porsyento ng kanilang Regular at Modified Pag-IBIG 2 savings bago ang maturity, gayundin ang tatlong buwang moratorium sa housing loan payments nang walang interes at penalties.
(CHRISTIAN DALE)
74 