(NI LUISA LEIGH NIEZ/PHOTO BY JHAY JALBUNA)
NANGANGAMBA ang pamilya ng pinaslang na barangay chairwoman at tumatakbong kongresista sa 2nd district ng Quezon City Crisell ‘Beng’ Beltran sa posibleng whitewash na niluluto matapos umanong hindi papasukin ang kaanak ni Beltran at ilang supporters habang ginaganap ang press conference, Linggo ng umaga sa Camp Karingal.
Halos isang oras umanong nagmamakaawa ang anak ni Beltran na si Wincel Coldora kasama sina Rep. Bingbong Crisologo at ka-tandem na si Atty. Jopet Sison para papasukin at alamin ang latest development sa pagpaslang sa kanyang ina.
Subalit, pinapasok lamang ang grupo nang umalis na si acting Quezon City Mayor Joy Belmonte at NCRPO Chief Guillermo Eleazar.
Kasabay nito, naniniwala si Crisologo na may niluluto umano ang QCPD sa kung paanong imbestigasyon ang palilitawin sa kaso ni Beltran.
Lalong uminit ang tensiyon nang masaksihan ng mga supporters at pamilya ni Beltran na isinakay ni Belmonte ang dalawang saksi sa sasakyan nito.
Paglabas umano ni Belmonte at NCRPO Chief Guillermo Eleazar ng gate ng Kampo Karingal ay saka lang umano pinapasok ang grupo ni Crisologo kabilang na ang anak at ina ni Beltran.
Nakiusap umano si Crisologo sa mga pulis na payagan siyang paakyatin sa tanggapan ni QCPD Director PCSUPT Joselito Esquivel, Jr . dahil gusto niya tanungin kung bakit hindi sila pinayagang dumalo sa press conference.
Sinabi naman ni Esquivel na wala siyang kautusan at katunayan umano ay pinapapasok na niya ang anak ni kapitana ngunit pinigalan na umano ito ng kongresista.
Ayon naman kay Crisologo, hindi na niya pinapasok ang anak ni kapitana dahil tapos na ang press conference at wala na rin si Belmonte at Eleazar.
Sa kanilang press conference, nakiusap si Wincel sa mga humahawak ng kaso ng kanyang ina, at maging kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng patas na imbestigasyon at agarang paglutas sa kaso.
“Nakikiusap ako na sana ay malutas ang kaso ng mama ko. Napakabait niya at walang ibang hiniling kundi ang maging maayos lagi ang aming barangay,” sabi pa ni Wincel.
174