(BERNARD TAGUINOD)
‘PANGGAGANTSO’.
Ganito inilarawan ni Deputy Speaker Lito Atienza ang pag-apruba ng House committee on legislative franchise sa panibagong 25 taong prangkisa ng Maynilad at Manila Waters gayung hanggang 2037 ang kanilang lisensya.
Isa si Atienza sa dalawang mambabatas na kumontra na bigyan ng bagong prangkisa ang mga nabanggit na water concessionaires dahil marami pa aniyang tanong ang hindi nasasagot.
Ayon sa mambabatas, kabilang sa mga hindi nabigyang kasagutan ay kung magkano ang sewage fees o environmental fees na nakolekta ng Maynilad at Manila Water mula noong 1997.
Wala rin umanong nakaaalam kung magkano na ang nautang ng mga ito mula sa foreign lending banks tulad ng Asian Development Bank at World Bank na dapat ay gagamitin para sa pagtatayo ng mga wastewater treatment plant sa Metro Manila na may sovereign guarantee ng pamahalaan.
Ang bayarin na buwan-buwang sinisingil ng Maynilad at Manila Water sa mga consumer sa Metro Manila ay gagamitin sana sa pagtatayo ng sewage treatment plant subalit hindi pa ito naipatatayo. Ang nasabing planta ang sasala sa dumi sa tubig bago pakawalan sa Manila Bay.
“Mula pa noon ay hinihingi na natin ang mahahalagang dokumentong ito subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nabibigay,” ayon sa mambabatas. Sa kabila nito ay minadali umano ng komite ang pag-apruba sa prangkisa ng dalawang kumpanya.
“I had hoped that the committee chairman and my colleagues would listen to reason and heed the people’s demand for transparency. But they did not. They railroaded the two franchises,” ayon pa kay Atienza.
Lalong nadismaya ang mambabatas dahil mistulang inilihim ng komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz “Chicoy” Alvarez sa publiko ang pag-apruba sa prangkisa ng mga nabanggit na kumpanya dahil hindi ito binuksan sa media.
“Hindi po ito negosyo at hindi tayo kasama dito. Nakatingin ang taong bayan sa Kongreso. We should have been given ample time to study the matter before it was approved arbitrarily by the committee,” dagdag pa ng solon kaya nagbanta ito ng “Magkita na lang tayo sa plenary!”
Pagdedebatehan at pagbobotohan pa sa plenaryo ng Kamara ang inaprubahang 25 taong prangkisa ng Maynilad at Manila Water bago ito ibigay sa Senado para sa kanilang hiwalay na aksyon.
243 