PANUKALANG ‘BTS FOR STUDENTS AND LEARNERS ACT’, INIHAIN SA SENADO NI MARK VILLAR

NAGHAIN si Senador Mark A. Villar ng Senate Bill No. 2048 o ang “Boosted Technology Subsidy (BTS) for Students and Learners Act,” na layong palawakin ang akses sa teknolohiya at digitization ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng subsidiya ang mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa pampublikong paaralan, State Universities and Colleges (SUCs), Alternative Learning System (ALS), at iba pang institusyon para sa gadgets, internet connectivity, at subscription sa artificial intelligence (AI) tools.

Ayon sa senador, tugon ang panukala sa mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) hinggil sa kakulangan sa teknolohikal na imprastraktura at limitadong akses sa educational at AI tools ng mga mag-aaral.

“Ito ay isang pamumuhunan para sa ating kabataan at sa kinabukasan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng akses sa digital na edukasyon, pinatitibay natin ang ating sistema ng edukasyon at binubuksan ang mas maraming oportunidad para sa bawat Pilipinong mag-aaral,” ani Senador Villar.

Sa ilalim ng BTS Program, maaaring makatanggap ang mga benepisyaryo ng hanggang ₱30,000 subsidiya para sa gadget tulad ng laptop o tablet, tulong sa internet connectivity sa pamamagitan ng pocket Wi-Fi at buwanang allowance, at suporta para sa subscription sa AI tools upang mapahusay ang kanilang pag-aaral.

“Sa pamamagitan ng panukalang ito, mas magiging handa at competitive ang ating mga mag-aaral,” dagdag ng senador.

Naglalaman din ang panukala ng mga probisyon upang maiwasan ang pang-aabuso sa benepisyo, kabilang ang pagbabawal sa pagbebenta o pagpapasa ng subsidized na kagamitan at serbisyo bago matapos ang pag-aaral ng benepisyaryo.

(Danny Bacolod)

69

Related posts

Leave a Comment