BATANGAS – Arestado ang isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taal, Batangas matapos tangkaing suhulan si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
Kinumpirma ni Leviste ang pagkakadakip kay District Engineer Abelardo Calalo noong Biyernes, Agosto 23, sa isang entrapment operation.
Ayon sa inisyal na ulat, nag-alok umano si Calalo ng P3.1 milyong suhol upang hindi imbestigahan ng kongresista ang mga proyekto ng DPWH sa kanyang distrito.
Patuloy na iniimbestigahan ni Leviste ang mga proyekto sa DPWH, at natuklasan na marami sa flood control projects sa kanyang distrito ay gawa sa substandard na materyales.
Sa kabila ng bilyon-bilyong pondo na inilaan, maraming imprastraktura ang madaling nasira, na pag-aaksaya ng buwis ng mamamayan.
Sa isang pahayag, iginiit ng tanggapan ni Leviste na hindi dapat kunsintihin ang korupsyon at dapat ayusin agad ng mga contractor ang mga substandard na proyekto nang walang dagdag na gastos sa gobyerno.
Samantala, pinuri ni dating Senador Panfilo Lacson si Leviste sa matagumpay na operasyon.
Nakatakdang sampahan ng kaso si Calalo sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office ngayong Martes, Agosto 26.
Samantala, kakasuhan ngayong araw, Martes, ang district engineer ng DPWH sa Batangas na nagtangkang manuhol kay Congressman Leviste.
Ito ang kinumpirma ng tanggapan ni Leviste na anak ni Sen. Loren Legarda, sa mga mamamahayag sa Kamara ukol sa kaso ng Batangas district engineer na si Calalo matapos itong arestuhin dahil sa kasong panunuhol.
Kinukumpirma ng tanggapan ni Congressman Leviste na mayroong isasampang kaso laban kay Calalo sa tanggapan ng Batangas Provincial Prosecutor ngayong Martes, Agosto 26.
(NILOU DEL CARMEN/BERNARD TAGUINOD)
407 