INIHAGIS sa apoy ng kanyang mga kaanak ang walang kalaban-labang 84-anyos na babae upang maalis umano ang mga kasalanan nito at masigurong sa langit siya mapupunta sa sandaling mamatay.
Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang labing isa katao na sinasabing mga kamag-anak ng biktimang si Teofila Camungay na agad binawian ng buhay matapos magmistulang alay sa ritwal sa bayan ng Balingasag sa Misamis Oriental.
Ayon sa Balingasag Municipal Police Station, mistulang eksena noong unang panahon na sinunog sa talaksan ng nagliliyab na kahoy ang matanda ng mismong mga kamag-anak niya na pinaniniwalaang mga miyembro ng kulto.
Nangyari umano ang krimen noong nagdaang linggo sa Barangay Baliwagan.
Nabatid na apat sa mga suspek ay anak ng biktima, lima ay mga apo nito, habang isa ay live-in partner ng anak at kapatid nito.
Ayon kay Maj. Teodoro de Oro, may impormasyon na kasapi ng kulto ang magkakamag-anak at posibleng ritwal nila ang pagsunog sa miyembro na pinaniniwalaan nilang makasalanan.
“Sabi ng suspek, matindi daw ang kanilang pagtampo sa biktima dahil siya umano ang dahilan ng kanilang paghihirap sa buhay. Tutol rin ang biktima na kilalaning lider ng grupo ang isa sa kanyang mga apo,” ani De Oro.
Naaresto na ng mga awtoridad ang pitong suspek na hindi pa pinangalanan habang apat pa ang hinahanap.
Kahit umano nasa loob ng selda sa police station ang mga suspek, sumasayaw at may inuusal silang hindi maintindihan na mga salita. (JESSE KABEL)
