NATUKOY na ng mga awtoridad ang motibo at sinampahan na ng kaso ang pitong suspek sa pagpatay sa lalaking dinukot sa gasolinahan sa Taal, Batangas noong August 16.
Ayon sa ulat ng Batangas Police Provincial Office, Martes ng umaga, ay sinampahan ng kasong Kidnapping with Homicide ang mga suspek sa Provincial Prosecutor, Hall of Justice, Batangas City kaugnay sa pagdukot at pagpatay kay Eugene Del Rosario.
Si Del Rosario na tubong Tondo, Manila at residente ng Lemery, Batangas ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa isang gasolinahan sa Taal diversion road noong gabi ng August 16 pagkababa nito ng bus galing Maynila.
Kinabukasan, August 17, natagpuan itong patay at may tama ng bala sa ulo sa Eco-Tourism road sa Barangay Bignay 2 sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Ayon sa pulisya, positibong nakilala ng mga witness ang isa sa mga suspek dahil hindi umano ito nakasuot ng mask habang nagga-guide sa pagmamaniobra ng dalawang ginamit na sasakyan sa pagdukot.
Naging viral din ang video ng pagdukot matapos na ito ay makuhanan ng CCTV ng gasolinahan.
Kinilala ng mga testigo ang isa sa mga suspek na si Jefferson Manalang Sanchez na residente rin ng Brgy. 225, Tondo, Manila.
Hindi naman natutukoy pa ang anim pang kasama nito sa pagdukot.
Ayon sa Batangas PNP sa press briefing Martes ng umaga, ang mga suspek ay kasamahan ng biktima na sangkot sa bukas-kotse at iba pang illegal activities sa Batangas at mga karatig probinsya.
Onsehan umano sa pera na kinita ng grupo ang dahilan ng pagpaslang sa biktima na siya umanong tagapagtago ng mga nakulimbat nilang pera.
Una nang sinabi ng Batangas PNP na inamin ng mga kaanak at ng pamilya mismo ng biktima ang mga ilegal na gawain nito na siyang naging daan upang matukoy ang mga salarin at motibo. (NILOU DEL CARMEN)
