QUEZON – Patay ang isang 2-anyos na lalaking paslit makaraang bugbugin at maltratuhin ng live-in partner ng kanyang tiyahin sa bayan ng Lucban sa lalawigang ito.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima nang isugod ng kanyang mga magulang noong Lunes.
Batay sa pahayag sa pulisya ni Jeric Bernal, tatay ng biktima, noong Marso ay hiniram ng kanyang kapatid na si Michelle Bernal Mansanero ang paslit at inuwi sa bahay nila ng live-in partner nito na si Bolly Jane Salumbides sa Barangay Kulapi.
Ngunit makalipas ang halos dalawang buwan ay hindi pa isinosoli ng mag-live-in partner ang biktima sa mga magulang nito kahit ilang beses nang sinusundo ng mag-asawa.
Ngunit sa huling dalaw ng mga magulang sa paslit noong Linggo, napansin nila ang masamang kalagayan ng biktima na nanghihina at may mga pasa sa katawan at may sugat sa ulo.
Napilitan itong ibigay ng mga suspek sa mga magulang at agad isinugod sa MMG Hospital sa naturang bayan ngunit habang nasa daan ay binawian ng buhay.
Sa inisyal na findings ng doktor, pinsala sa ulo na nakaapekto sa utak ang ikinamatay ng biktima.
Ayon umano sa suspek na si Michelle na kapatid ng tatay ng biktima, ang live-in partner nito ang nanakit sa paslit.
Inihahanda na ang kasong homicide in relation to RA 7610 (child abuse) laban sa magka-live-in na hindi pa rin nagpapakita sa pulisya. (NILOU DEL CARMEN)
