Solon sa DOTr: BULOK ANG SISTEMA DAHIL MAY ADIK SA PERA

“BULOK ang sistema dahil may adik sa pera – mula sa mga fixer, mangongotong, abusadong kumpanya at malalaking contractor”.

Ganito inilarawan ng grupo ni Congressman Raoul Manuel ang sitwasyon sa Department of Transportation (DOTr) kaya imbes mapangalagaan ang kaligtasan ng mga tao ay nalalagay ang mga ito sa panganib.

Inihalimbawa ng mga ito ang nangyaring trahedya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kung saan hindi naproteksyunan ng safety bollards ang mga tao kaya nang araruhin ito ng SUV kamakailan ay namatay ang isang 5-anyos na bata at isa pa bukod sa mga nasugatan.

Bukod sa trahedya sa NAIA, nagkaroon din ng malagim na aksidente sa Subic-Clark, Tarlac, Expressway (SCTEX) noong Mayo 1 nang banggain ng umano’y nakatulog na driver ng Solid North Bus ang van sa kanyang harapan kung saan nadamay din ang isang kotse na naging sanhi ng pagkamatay ng 10 katao kasama na ang 4 na bata.

Dahil dito, iniutos ni DOTr Secretary Vince Dizon ang mandatory drug test sa lahat ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan subalit ayon sa grupo ni Manuel, korupsyon ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng ganitong trahedya.

“Dekada na ang korupsyon at pagpapabaya sa transportasyon sa kamay ng iilang negosyo. Ito sana ang simulang puksain kaysa magpasimuno ng tokhang sa mga PUV drivers,” ayon sa grupo ng mambabatas.

“Ligtas bumiyahe kung di nakapanguna ang paghahabol ng kita. Dapat ibalik ang kalsada sa kamay ng mamamayan, hindi ng mga negosyante at korap na iilan. Nasa pakinabang ng lahat, lalo ng commuter, na gawing nakabubuhay ang kita at trabaho ng ordinaryong tsuper,” dagdag pa ng mga ito.

Ipinaliwanag ng mga ito na serbisyo publiko ang transportasyon at makakamit lamang ang hustisya ngmga nasawi sa mga aksidente kung paninindigan ito ng gobyerno kaya dapat sugpuin ang katiwalian sa ahensya sa lalong madaling panahon.

(PRIMITIVO MAKILING)

43

Related posts

Leave a Comment