TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga public utility vehicle (PUV) operators at drivers sa gitna ng mataas na presyo ng langis.
Ayon sa Pangulo, layunin ng mga programa ng gobyerno na matiyak ang kita ng mga tsuper at maiwasan ang paghinto ng kanilang pamamasada.
“Kapag hindi na sila kumikita, hindi na sila lalabas. Wala na kayong masasakyan,” ani Marcos sa inspeksyon ng Service Contracting Program sa Araneta Center Terminal sa Quezon City.
Dagdag pa niya, makikinabang din ang mga pasahero sa 20% fare discount, habang 40% naman para sa senior citizens, estudyante, at persons with disabilities.
Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na hindi na ire-require ang pag-install ng GPS sa mga PUV upang mas mapadali ang pagsali sa programa.
Sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board, makatatanggap ang mga driver at operator ng hanggang P100 kada kilometro depende sa uri ng sasakyan.
(CHRISTIAN DALE)
106 