PBBM, VP SARA HINAMONG SUPORTAHAN ANTI-POLITICAL DYNASTY BILL

HINAMON ni Caloocan City Rep. Edgar Erice sina Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte na suportahan ang anti-political dynasty bill, kasunod ng anunsyo ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ipaprayoridad ng Kamara ang panukalang ito kasabay ng pagtatatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC).

“Sa Pangulong Marcos, kung gusto mo talaga ng reporma dapat magsimula ka sa sarili mong pamilya. If you can go against self interest, aba baka yun ang legacy niya,” pahayag ni Erice sa isang ambush interview.

Ang mga Marcos ay kabilang sa political dynasty families sa Pilipinas kung saan bukod sa local officials na nakaupo sa iba’t ibang puwesto sa Ilocos Norte ay kongresista ang kanyang anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at Senador ang kanyang kapatid na si Imee Marcos.

Kaanak din nito si dating House Speaker Martin Romualdez na kasama sa Kamara bilang mga kinatawan ng Tingog party-list ang kanyang misis na si Yedda at anak na si Julian.

“Ganundin si VP Sara, kung para sa bayan siya at hindi sa supremacy ng political family nila dapat suportahan na rin dahil ito ang ugat, pinakamalaking ugat ng corruption…political dynasties,” ayon pa kay Erice.

Sa ngayon, bukod kay VP Sara ay nakaupo bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao City ang kanyang kapatid na si Rep. Paolo “Pulong” Duterte, pamangkin na si Omar Vincent sa ikalawang distrito ng lungsod at pinsan na si Harold James na kinatawan naman ng PPP party-list habang nahalal naman bilang Mayor ang kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte at Vice Mayor ang isa pa nitong kapatid na si Baste.

“Ginagamit nila (political dynasties) ang salapi ng bayan para mag-perpetuate ng power,” ayon pa kay Erice.

“Mag-aama, mag-aasawa, magkakapatid—sila-sila na lang. Kapag ganyan, wala nang check and balance. Paano mo iimbestigahan ‘yung kadugo mo?,” ayon pa kay Erice.

Nais naman ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na sertipikahan ni Marcos ang dalawang panukalang ito na mahalaga aniya para mapagtagumpayan ang kampanya laban sa katiwalian.

“Wakasan na ang sistemang humahantong sa pagmonopolyo at pagmanipula sa kapangyarihan, sa manhid at tingi-tinging serbisyo sa taumbayan. Tigilan na ang siklo ng mga problema dahil sa pagkakait sa marami nating kababayan na makapaglingkod sa pamahalaan, at maging bahagi mismo ng mekanismo ng pagpapanagot sa mga magnanakaw at mandarambong,” ayon pa kay De Lima.

(BERNARD TAGUINOD)

21

Related posts

Leave a Comment