2 SUNDALO PATAY, 4 SUGATAN SA HAGUPIT NG KIDLAT

KALINGA – Patay ang dalawang tauhan ng Philippine Army habang apat pa nilang kasamahan ang sugatan nang humagupit ang isang matalim na kidlat sa posisyon ng mga sundalo habang nagsasagawa ng manhunt operation sa nalalabing mga kasapi ng New People’s Army sa boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil sa lalawigan.

Ayon sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, kinilala ang dalawang nasawi na sina Corporal Andrew Monterubio ng Gamu, Isabela, at Private First Class Inmongog Aronchay mula sa Sadanga, Mt. Province.

Habang ang mga sugatan ay sina Sgt. Dennis Bananao ng Tanudan, Kalinga; PFC Melvin Danggalan ng Paracelis, Mt. Province; PFC Abegil Awingan mula sa Pinukpuk, Kalinga, at PFC Riel Angya ng Pasil, Kalinga.

Ayon sa ulat ng 5th Infantry Division, Philippine Army, nitong Linggo nang makaranas umano ng masamang panahon ang lalawigan ng Kalinga subalit hindi naging hadlang sa mga sundalo ang paggalugad sa kabundukan para matunton ang nalalabing communist terrorists sa area ngunit sa kasamaang palad ay nauwi sa trahedya matapos tamaan ng kidlat ang mga sundalo na ikinasawi nina Monterubio at Aronchay.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si 5ID Commander MGen. Audrey Pasia, gayundin si AFP-NOLCOM Commander Lt. General Fernyl Buca sa pamilya ng dalawang nasawing sundalo.

Kahapon ay naibaba na mula sa kabundukan ang mga labi upang dalhin sa kani-kanilang pamilya. (JESSE KABEL RUIZ)

34

Related posts

Leave a Comment