3 PATAY, 7 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 3 SASAKYAN

QUEZON – Tatlong pasahero ng isang pampasaherong van ang patay habang 7 pa ang sugatan sa karambola na kinasangkutan ng nasabing van at dalawa pang sasakyan sa Maharlika Highway, sa Barangay Talisay, sa bayan ng Tiaong sa lalawigan, nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa inisyal na report ng Tiaong Police, sangkot sa insidente dakong alas-3:30 ng madaling araw, ang isang pampasaherong Toyota van na patungong Masbate, isang Mitsubishi Xpander AUV, at pampasaherong bus na Bicol Isarog.

Ayon sa imbestigasyon, patungong southbound direction ang van nang mag-overtake ito sa sinusundang AUV.

Subalit nagipit ito nang biglang bumulaga sa kabilang lane ang kasalubong na bus.

Sinikap ng van na bumalik sa linya subalit nakasabitan nito ang AUV.

Nawalan ng kontrol ang driver ng van na si Emgee Compuesto at sumalpok sa kasalubong na bus na minamaneho ni Anthony Nazareño.

Nagresulta ito sa pagkamatay ng tatlo sa mga pasahero ng van kabilang ang isang 9-anyos na batang lalaki na si Leo Dizon Montecalbo, isang 17-anyos na si Angelou Palacio, at isa pang pasahero na si Guillermo Catamco Jr.

Isinugod naman sa ospital ang 7 pang sugatan kabilang ang tatlong menor de edad.

Ikinostudiya ng Tiaong Police ang tatlong driver ng sangkot na mga sasakyan habang patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)

49

Related posts

Leave a Comment