3 PATAY SA 2 VEHICULAR ACCIDENTS SA QUEZON

QUEZON – Patay ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang ang mga ito ay salpukin ng kasalubong na van sa Maharlika Highway sa Brgy. Sumulong, bayan ng Calauag sa lalawigang ito, nitong Huwebes ng madaling araw.

Kapwa dead on the spot ang mga biktimang sina Bobette Adonis, 35, driver ng motorsiklo, at Aldy Sollestre, backrider, parehong residente ng Brgy. Mabini, Calauag.

Ayon sa Calauag police, nag-overtake ang Toyota Hi Ace van sa sinusundan nitong sasakyan kaya nasakop nito ang linya ng kasalubong at nabangga ang motorsiklo dakong ala-1:20 ng madaling araw.

Matapos ang aksidente, mabilis na tumakas ang driver ng van na kinilalang si Robert Marivalles, ng Brgy. Batang, Irosin, Sorsogon, at iniwan ang kanyang sasakyan.

Samantala, patay rin ang isang babaeng pedestrian nang masalpok ng isang motorsiklo sa isa pang aksidente sa national road, sa Brgy. Bignay 1, Sariaya, Quezon noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Ofelia Ramelo, 53, ng Sitio Buendia, Brgy. Bignay 1, Sariaya.

Ayon sa pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente habang tumatawid sa highway ang biktima.

Dahil sa pagkakabangga, natumba sa kalsada ang motorsiko.

Kapwa sugatang isinugod sa ospital ang biktima at ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Wowie Lagrazon, 24, isang construction worker, subalit binawian ng buhay ang babae habang nilalapatan ng lunas sa Lucena United Doctors Hospital sa Lucena City.

(NILOU DEL CARMEN)

185

Related posts

Leave a Comment