3 PATAY SA 3 AKSIDENTE SA CAVITE

CAVITE – Patay ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang empleyado ng munisipyo, sa nangyaring tatlong aksidente sa kalsada sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Renante Dagar y Dela Peña, 45, security guard; Cauro Cuevas y Espiritu, 65, at Alberto Ricohermoso y Revilla, 63, empleyado ng munisipyo.

Ayon sa ulat, kapwa binabagtas nina Dagar na lulan ng motorsiklo, at Kristian Miguel Fernandez y Borgonia, 23, na minamaneho ang Honda City na may plakang WBM-575, ang kahabaan ng Molino-Paliparan Road, Brgy. Molino 4, Bacoor City.

Ngunit nag-counter flow umano ang biktima sa opposite lane ng kalsada at bumangga sa minamanehong kotse ni Fernandez dakong alas-12:57 ng madaling araw kamakalawa, na nagresulta sa kamatayan ng una.

Sa pangalawang insidente, minamaneho naman ni Luciano Odviar y Molino, 70, ang motorsiklong Rusi 150 habang binabagtas ang General Evangelista Road patungo sa east direction.

Ngunit pagsapit sa Barangay Talaba 1, Bacoor City nang mabangga nito si Cuevas na noon ay tatawid sa kalsada dakong alas-5:30 ng umaga kamakalawa, na ikinamatay nito.

Nangyari naman dakong alas-3:48 kamakalawa ng hapon ang pangatlong aksidente sa harap ng Gabriel Elementary School sa Congressional Road, Brgy. Pulido, Gen. Marian Alvarez, Cavite.

Minamaneho ni Ricohermoso ang kanyang motorsiklong Rusi na may sidecar at binabagtas ang Brgy. San Jose, GMA, north direction nang bumangga ito sa center island ng kalsada naging dahilan ng pagtilapon nito at nagulungan ng paparating na Mitsubishi Adventure na

may plakang WLT-185 at minamaneho ni Florentino Ramos y Caraig, 54-anyos, na ikinamatay ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)

207

Related posts

Leave a Comment