7 CPP-NPA MEMBERS NALAGAS SA NUEVA ECIJA ENCOUNTER

NUEVA ECIJA – Patay ang pitong rebeldeng komunista makaraang maka-engkwentro ang tropa ng 84th Infantry “Victorious” Battalion ng Philippine Army, sa Pantabangan sa lalawigan, na nagresulta sa pagkakabawi sa sampung high powered firearms.

Ayon kay Philippine Army spokesperson, Col. Louie Dema-ala, base sa ulat na isinumite ng Northern Luzon Command kay CGPA Lt. Gen. Roy Galido, pitong miyembro ng Komiteng Rehiyong Gitnang Luzon ng Communist Terrorist Group (CTG) ang napaslang ng kanilang mga tauhan sa Brgy. Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija kamakalawa ng hapon.

Batay sa impormasyong ibinahagi ni Lieutenant Colonel Jerald Reyes, Commanding Officer ng 84 Infantry Batallon, nagsagawa sila ng hot pursuit operation sa Barangay Abuyo, Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya sa pamamagitan ng aerial operation na sinundan ng combat operations.

Bukod sa pitong bangkay, nakarekober ang mga sundalo ng sumusunod: tatlong M14 rifles, anim na M16 rifles, isang M16 na may naka-attached na M203 rifle, isang low-powered firearm, subversive documents, at mga personal na kagamitan sa encounter site.

“Mayroon po tayong nakuhang pitong bangkay mula sa mga CTG at nakarekober po tayo ng sampung mga matataas na klase ng armas. Napigilan po natin ang kanilang planong maibalik ang kanilang impluwensya sa komunidad gamit ang pananakot.

“Actually, hinabol namin ang mga ito galing Aurora to Nueva Vizcaya ngayon dito sa Nueva Ecija. Kaya naman po lubos ang aming pasalamat sa mga tao sa kanilang suporta sa mga kasundaluhan. Tinitiyak din po namin ang kaligtasan ng mamamayan ng Nueva Ecija laban sa banta ng mga teroristang grupo,” pahayag pa ni Lt. Col. Reyes.

Nabatid pa na ang naganap na sagupaan ay bunsod ng isinasagawang hot pursuit operations matapos na palabasin sa kanilang pinaglulunggaan ang mga rebelde kasunod ng inilunsad na aerial strike ng militar sa liblib na bahagi ng Sitio Marikit East, Brgy. Abuyo, Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya noong isang linggo.

Sa ngayon, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng napatay na CPP-NPA members. Sinabi pa ni Dema-ala na walang casualty sa panig ng militar at sibilyan.

Nagpapatuloy rin ang hot pursuit operations sa iba pang nakatakas na rebelde. (JESSE KABEL RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment