LOTTO OUTLET OWNER PATAY SA HOLDAPER

CAVITE – Patay ang isang lalaki na may-ari ng isang lotto outlet nang pagbabarilin matapos holdapin sa kanyang sasakyan sa Imus City noong Martes ng umaga.

Isinugod sa De La Salle University Hospital ang biktimang si alyas “Anthony” subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa katawan.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek na armado ng ‘di nabatid na kalibre ng baril.

Ayon ulat, galing ang biktima at live-in partner nito sa kanilang lotto outlet at naglalakad patungo sa kanilang nakaparadang sasakyan na isang Toyota Hilux na may plakang NFZ 4968, bandang alas-9:30 ng umaga sa Malagasang 2-F, Imus City, Cavite, nang sabayan sila ng mga suspek at pumasok sa kanilang sasakyan.

Inutusan ng mga suspek ang dalawa na paandarin ang kanilang sasakyan, sabay nagdeklara ng holdap at tinangay ang kanilang pera na nagkakahalaga ng P12,000, at saka binaril ang lalaki gamit ang ‘di nabatid na kalibre ng baril.

Matapos ang insidente, mabilis tumakas ang mga suspek.

Humingi naman ng tulong ang babae sa mga bystander na isinugod ang biktima sa ospital gamit ang kanilang sasakyan subalit idineklarang dead on arrival.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso habang tinutugis ang mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

40

Related posts

Leave a Comment