CONVENIENCE STORE SA CAVITE HINOLDAP

CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang motorcycle rider na tumangay ng P45,000 halaga ng kita ng isang kilalang convenience store sa bayan ng Tanza sa lalawigan noong Huwebes ng madaling araw.

Inilarawan ang suspek na naka-motorsiklo, nakasuot ng itim na hood jacket, maong short pants, katamtaman ang pangangatawan, at tinatayang may edad na 35-anyos.

Ayon sa salaysay ni Joemar Domalaon, store crew, pumasok ang suspek sa convenience store sa Brgy. Biga, Tanza, Cavite bandang alas-2:30 ng madaling araw at nagpanggap na customer.

Nilapitan ng suspek si Joemar, tinutukan ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, nagdeklara ng holdap at tinangay ang tinatayang P45,000 na kita ng tindahan.

Matapos ang panghoholdap, tumakas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo sa direksyon ng Tanza proper.

Nagsasagawa naman ng backtracking ang mga awtoridad sa closed circuit television (CCTV) para sa posibleng dinaanan ng suspek at pagkakakilanlan nito. (SIGFRED ADSUARA)

 

71

Related posts

Leave a Comment