CONVENIENCE STORES SA CAVITE, PABORITO NG MGA HOLDAPER

CAVITE – Tila naging paboritong puntiryahin ng mga holdaper ang mga sangay ng isang convenience store na muling hinoldap at natangayan ng P200,000 cash sa Dasmariñas City, nitong Biyernes ng madaling araw.

Nabatid na ito na ang pang-limang beses na hinoldap ang Alfamart convenience stores sa loob lamang ng apat na buwan.

Ayon sa tala, noong Abril 26 nang holdapin ang isang branch sa Brgy. Molino 3, Bacoor City; noong Hulyo 8 nang pasukin ang isang branch sa Bgry. Biga 2, Silang, Cavite; noong Hulyo 19 sa Congressional Road, San Gabriel, General Mariano Alvarez GMA); at noong Agosto 15 sa kanilang branch sa Brgy. Luciano Trece Martires City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:15 kahapon ng madaling araw nang pasukin at holdapin ang Alfamart convenience store sa Villa Catalina, Brgy. San Agustin 3, Dasmariñas City, ng tatlong mga suspek na armado ng .38 kalibreng baril at lulan ng isang itim na motorsiklong walang plaka.

Pumasok ang mga suspek sa nasabing tindahan at nagpanggap na mga customer. Subalit pagpasok sa loob, isa sa mga suspek ang yumakap sa guwardiya na si Richard Isternon at dinala sa comfort room ng tindahan habang ang isa pang suspek ay dinala ang dalawang store crew sa storage room.

Puwersahang umanong sinira ng mga suspek ang cash box at tinangay ang tinatayang P200,000 at bago lumabas ay kumuha pa ng limang bote ng Black Level at apat na Red Level na nagkakahalaga ng P14,000.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at nagsasagawa ng dragnet/checkpoint operation laban sa mga suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

230

Related posts

Leave a Comment